20.5.08

balat ng ngipin


talamak sa ugnayang mortal ang bisa at sigalot na dulot ng pagsisinungaling. ang ga-munggong pagtiris sa katotohanan ay maaring lumobo at maging sanhi ng di matawarang salanta sa katinuan ng sinumang direktang maaapektuhan nito. wala sa sibil na kaanyuan ang hugis ng panlilinlang na iginagawad ng mga kaluluwang di naghuhunos-diling baluktutin ang tama at palitawing totoo ang mali. sari-saring uri ang pagsisinungaling, marahil lahat tayo ay nakaranas nito sa iba't ibang antas at kulay. kadalasang napagtuunan ito ng pansin sa larangan ng pag-ibig... ang taksil ay kailangang isang singungaling rin; ang hindi paglalahad ng sarili sa nililiyag ay uring pagsisinungaling rin maituturing. dahil dito, malamang na ang karamihang ugat ng mga malalagim na krimen ay kagagawan ng mga singungaling.

ang kasinungalingan ng isang tao ay hindi natin lubusang isisi sa kanya lamang; dapat damay ang kanyang magulang at nakaraan. kasama na riyan ang malutong na paniniwala ng kanyang mga ninuno sa kahalagahan ng kawalang-galang sa masinop na pakikisalamuha sa kapwa at sa kalakhan ng mundo. sa pagninilay ng mga taong na-rehab sa ganitong kalakaran; marami silang maipupuntong dahilan: una, likas na sa kanilang ikubli ang katotohanan tuwing may magtatanong tungkol sa mga maseselang bagay. pangalawa, upang ipanatag panandalian ang loob ng mga nagtatanong. pangatlo, hindi mahalagang makalkal pa ang totoo, kung hindi rin lang naman ito magiging dahilan ng pagkagunaw ng mundo. pang-apat, kung ano ang dapat mong malaman 'yong lang ang matatanggap mo. at marami pang paghuhugas-bigas na hindi naayon muli sa matiwasay na paglalakbay ng sangkatauhan sa bawat sulok at gilid ng bawa't araw ng likha ng Diyos.

marapatin man, kailangang sa pusod ng mga sumisibol na kaisipan ng mga sanggol ay ipunla ang ginintuang pamana ng bawa't magulang : na sa gitna ng masalimuot na buhay, wala pa ring tatalo sa mga walang bahid na sila'y nagsinungaling sa balat ng kanilang ngipin!

No comments: