17.2.10

SINO NAMAN ANG IBOBOTO KO?


Hindi ko sure kung may mapapala sa akin ang sino man sa mga PRESIDENTIABLES. Ang sure ko ay dapat may mapapala ako sa kanilang lahat. Natural lang 'yon. Natural na parang mga palaka sa Biology class na sinusuri dapat ang lahat ng kaliit-liitang himaymay ng mga ito para magkaroon ng hugis ang ideya kung ano ang likaw ng bituka ng mga ito. Tatratuhin ko rin silang parang mga manliligaw na hangad ang matamis kong 'OO' samantalang inaaninag ko ang tunay nilang karakas at kulay. Malamang, ipagkukunwa ko silang mga isda sa palengke - laos ang bilasa, shoot sa banga ang sariwa! O di naman kaya mas magandang sa palabunutan ko na lang dadaanin ang aking pasiya! HUWAG. Huwag ganun, sabi ng konsensya ko. Dapat raw ay seguraduhin ko sa aking sarili bago ko markahan ang bilog na hugis itlog sa tapat ng pangalang aking iboboto na tatanggapin ko ang responsibilidad na ang aking kaisa-isang boto ay bahagi ng magiging kapalaran ng aking bayan sa susunod na anim na taon. Merong nagtatanong kung nakaligo na raw ba ako sa basura, merong nangangakong hindi magnanakaw, meron namang isasakay ako sa isang jetplane, merong nag-sesebo ang mukha at maikli ang dila, merong kubang tomboy, merong matandang maraming asawa , meron ring bumubula ang bibig sa salita raw ng diyos niya; meron ding sinasangkalan ang kalikasan; at meron din namang dine-dedma lang ang pangangampanya!

SINO NAMAN ANG IBOBOTO KO? Iboboto ang sinumang mangangakong ipasasara nya ang lahat ng SABUNGAN sa Pilipinas. Iboboto ko lalo ang sinumang manunumpang gagawin niyang ILLEGAL ang BOKSING! Iboboto ko rin ang mga natitsimis na CORRUPT, dahil ang mga kurap na aking nakilala sa mga probinsiya at mga bayan-bayan ang merong mga pinakamaunlad pamayanan. Ang tulong sa mga nangangailangan ay agad-agarang nariyan, yaong mga nagmamalinis inaabot ng siyam-siyam ang mga proyekto. Iboboto ko lalo ang mangangakong wala siyang ipapangako kundi ang magpapakatatag sa harap ng lahat ng mga pagsubok habang siya ay nakaluklok sa kapangayarihan. Iboboto ko rin ay yaong may kaigaigayang personalidad na hindi natin ikahiyang ihilera sa iba pang pinuno ng mga bansa sa planetang ito. Iboboto ko yong ang talino ay isang makatuturang pagbalanse ng tama sa mali, at ng mali sa tama!

3.2.10

paano ba maging isang kabit?


Parang isang patak ng white flower rekta sa mata ang katanungang : “Paano ba maging isang kabit?” Oo, ganun ang naramdaman ko nang humarap ako sa salamin at tanungin ang aking sarili. Hindi ko mawari kung meron akong nakatagong malutong na sagot . Hindi ko rin alam kung matatagalan ko na titigan ang aking makasalanang mukha na nakasimangot ngayon sa akin. Halatang pinangunguhan ako ng aking konsensya. Marami pang kabuntot na katanungan paligid nitong aking nararanasan na ipinagdarasal kong harinawang sumabog at sukat sa hangin na para bagang mga bula. Nguni’t heto’t para silang mga kulani na ang titigas at masasakit tuwing sinasalat kahit nang bahagya.

Paano nga ba maging isang kabit? As in kahati sa pagmamahal ng isang nilalang na mayroon nang pananagutan sa buhay. Kabit , as in pangalawang prayoridad nya sa kanyang kasalukuyang mundo. Tagasalo ng tira-tirang libog ; aliwan tuwing may sigalot sa kanyang ‘totoong’ relasyon. Kumbaga, pangatlong unan sa kamang matrimonyal; tigaligpit ng mga latak na damdamin habang nakatago sa madilim na sulok ng kanyang buhay. Ganun?

Pag kabit ka, ikaw ang kontrabida. Ang mang-aagaw. Dapat matibay rin ang anit mo dahil malamang na ikaw ang magpapaubaya sakaling sabunutan na ang usapan. O di kaya, kailangang aspalto ang mukha mo upang sa isang lagapak ay kalyo ang aabutin ng misis nya. Hindi ka na dapat nagtatanong o mag-aksaya pa ng panahong umasa na mabigyan ng magandang kahihinatnan ang pinasok mong sitwasyon. Tapang ng apog lang panlaban mo dahil hindi maglaon ay kalat na sa buong ginagalawan mo ang kagagahang pinasok mo. Naroong iismiran ka sa walang kadahidahilan o pagsabihan ng mga atribidang mga gurang na immoral ang katauhan mo. Naroon ring iisipin ng mga kalalakihan na medaling masungkit ang tahong mo. Eh paano kung bakla ka? Yan ang aking suliranin. Ako’y baklang kabit ng isang lalaking may pananagutan na sa buhay. Nang makilala ko kasi siya may kung anong kumiliti sa tumbong ko at nang hindi siya pumalag nang tanungin ko kung ayos lang na luhuran ko siya nabihag na niya ang aking buong pagkatao. Huli na nang malaman kong may asawa na pala siya nang minsang sabay niya kaming sinundo sa palengke! Patay-malisya lang niyang sinabi sa aking babalikan na lang niya ako pagkatapos niyang ihatid ang kanyang misis. Parang lumutang ang ulo sa mabantot na kubeta ng palengke habang hinintay ko ang kanyang pagbalik at hanggang ngayon ay tameme pa rin ako… hindi ko kasi kayang basta na lang na tapusin ang mga luhurang nagaganap lalo na’t inuupuan ko na rin siya ngayon.

Ang konswelo lang naman ay nang mabasa ko ang pinaskel niyang ‘bumper’ sa kanyang pinapasadang pedicab…

Choosy ka pa?

24.11.09

TANTRUMTANTRUMAN

Bigla kong natagpuan ang aking sarili na humihiyaw sa telepono.

"Is it obvious you fucking shit that I don't want to have anything to do with your bad breath?
"

Sabay pindot sa 'off'. Hindi man lang ako pinagpawisan, paano naman kasi kahit umuulan nag-iinarte pa rin akong mag-erkon. Dapat kasi pawisan ako dahil imviernalisi ang byuti ko. Wala lang naalala ko tuloy na mag-rewind kasi paanong masakyan ng nagbabasa nito ngayon kung bakit ganun na lang ang pangyayari. Naisip ko kese, rambling lang naman ito at ang sinumang magtitiyagang liripin ang bawa't nakatatak sa pahinang ito ay may literary intuition. ganun. Pero para naman mapagbigyan ang sarili , mamarapatin ko na ilahad na rin.

Ang sinagot sa telepono at pinalatakan ng kumukulong mura ay isang dating kasamahan sa trabaho. Dapat sana kasing di na niya ako dinamay pa sa mga finoforward nyang messages sa email na wala namang real time perceivable worth o halaga sa kahit sinong natikman na ang sari-saring laki ng saging at talong. 'Yong tipong mga "NO WASTED MOMENTS" na mga kung anik-anik na mga inspirational chuva na ililitanya mo bago ka magwala, o di kaya "what a shame" , na ang laman ay mga litrato ng mga kinakatay na balyena sa denmark ba yon. Kevs ko naman di'ba? Eh nagkataong sinundot ang kanyang kakulitan ng isang alaalang pinagmukha nya akong tanga. Which is hindi na tolerable sa edad kong lampas ginto ng konti. Wala akong isyu sa mga tiga-Tong Republic pero 'tong isang 'mars' na 'to ay sobrang pakyut at bale wala sa kanyang pagbintangan akong nanulot ng account. Hinarap pa nya ako kunyari para i-confont ako at nang singhalan ko siyang hindi ako naturuan ng nanay ko na manulot ng anumang hindi nauukol sa akin ay bigla siyang nagpakyut na baka raw may naninira raw sa friendship namin. Lalo akong nagngitngit pero dahil sa konting karanasan ko sa showbiz pinalampas ko at nang matuyo ang account na yon ay nagpaalam akong magpahinga muna. Obvious bang call center ang setting?

Hindi ko kayang maparatangan ng isang bagay na wala akong kamali-malisya kaya nasambit ko ata sa aking sarili habang nangangalaiti ang bagyong si SANTI na kung malampasan ko ang magdamag na nakangiti at walang yerong natangay sa bubong namin, humanda siya sa gigil ko oras na makakatanggap ako ng kagagahang email mula sa kanya. At nangyari nga. kaya nagreply ako in RED FONT, ARIAL at size36 ng mga katagang : PLEASE DELETE ME FROM YOUR STUPID MAILING LIST!

Nagreak siya at tumawag. Pinatayan ko. Tumawag uli. Pinatay ko lahat ng fones ko , 2 selpown, isang landline. Nagluto ng pork steak at ginisang baguio beans for lunch. Kumain. Nagsiesta at pagkagising ay binuksan uli ang mga phone. Tunugan sila, yong landline, binunot ko na (akala ng bruhangbruho na wala akong call id); yong globe pinatay ko uli pero hinayaan ang smart. Ring, reject. Ring , reject. Ring , reject. Hanggang sa namura ko na. Pati bad breath niyang amoy ebak ng kalabaw nadamay tuloy. Kevs ko. Tantrum-tantruman lang... walang personalan. Kaya?

18.11.09

17.11.09

GAGANG PANGARAP

“Bobo ka ba? Sbi q wag k n txt sa # n 2!!!”

Napatigagal si Gaga sa nabungarang reply ng kapapadala nyang message sa 09108686668. Para siyang sinakluban ng nigong puno ng sinukmaning panis ; di kaagad makapag-reak. Sandali siyang napabuntong-hininga sabay tipa ng hinlalaki sa keypad ng nabiling lumang N73 sa kapitbahayng tindera sa palengke.

“ I’m nt xpectd ur tx; im not bobo pls do nt angry. Baket k ba gl8 sa mundo?” tipa tapos send.

Isang oras siyang naghintay. Boba nga eh. Super hintay siyang mag-reply ang ka-bastusan sa text. Ilang beses ring siyang nagtangkang krumeeyt ng mensahe pero di pa man tapos ang nais niyang iparating eh, dinidilit na nya agad. Naisip nya na kung ano ang isasagot sa huli nyang pinadala ay doon siya huhugot ng pambugang-utak na mga salita para matauhan ito. Biglang humuni ang selpown nya.

“Mamya sa jalibi”, sabi sa txt ni Ebo.

“Ayoq n”, txt bk nya.

“taena may utang sqin”

“sk n kta byrn, pd?”

“taena, di pd!”

“k”

“anong k?”

“k, my pnlo b aq sau tngna m”

Hayop. Iyon ang tangi niyang naibulong sa maalinsangang tanghali. Hayop. Bayad-utang, dyokad. Wala na bang bago sa buhay nya? Napatingala siya sa tuyong pugad na ngayo’y nakabitin na lang sa puno ng mangga , naisip nyang batuhin ito nang tuluyan nang maglaho sa kanyang paningin tuwing siya’y titingala at nang di na siya mag-alala kung nasaan na ang mga maiingay na inakay na minsang umaliw sa kanyang payak at makamundong katuturan. Ano kaya kung tawagan nya ang nadampot na numerong galit sa mundo? Di bale na. Baka nga naman malasin pa siya… Oo, malasin. Umalat ang pagkakataong makatagpo ng isang lalakeng hahango sa kanya sa kinasadlakang pusali.

Katorse pa lang ay naglalako na ng kanyang bibingka si Gaga. Palibhasa sariwa , pinag-agawan siya ng mga tricycle drayber, mga pahinante, mga pulis , at kung sinu-sino pa sa Crossing. Lahat sila gusto siyang matikman. Ginawa siyang pulutan ng mga oras na iyon ng kanyang kabataan. Di naglaon, nang magdidisiyete siya, mistula na siyang nalaos. Limang beses nagkatulo, apat na beses inagasan, tatlong beses nagpalaglag sa matandang aborsyonista sa Timugan. Sinubukan rin nyang dyomokad sa Calamba, sa Sta. Rosa at sa isang bar sa Cubao. Lahat sila ang tingin sa kanya butas sa laman na parausan. Ni minsan walang tumrato sa kanya bilang isang mabining dilag na inaalayan ng pag-ibig.

Wala halos. Minsan meron din, yaong mga nauuto niya sa teks. Namumulot siya ng numero sa mga tabloid na Bulgar, Bomba at Tiktik… sa mga bus at minsan sa listahan ng mga numero sa suki nyang e-load sa me palengke. Pero hanggang doon lang ang lahat. Walang naisulong na matatawag na magandang relasyong naganap. Wala na rin kasi siyang matatawag na pamilya. Maagang pumanaw ang kanyang mga magulang at ang pinaghabilinan sa kanya matandang dalagang tiyahin ay yumao rin matapos makipagbuno sa kanser. Nang maibenta nya ang mga kakarampot na ari-ariang naiwan nito, hinayaan na niyang maging puhunan ang angking kagandahan at kabataan upang itawid ang bawa’t isinumpang araw niya sa mundo.

Binahay na rin siya ni Ebo. Kaso, maliban sa pagiging parausan at kalakal na inilalako sa tabi ng TwinklePops; ginawa pa siya nitong alila. Sinubukan niya itong mahalin. Natatawa nga siya kapag naalala ang kanyang mga pagtatangkang palambutin ng pagmamahal ang katigasan ng bungo at panga ni Ebo dahil wala talagang pag-asa ang engot na bugaw na ‘yon. Wala siyang kakayahang maging tao… magkaroon ng kaluluwa o damdamin man lang. Halos pareho rin kasi ang naging buhay nila. Kaya pera-pera na lang.

Pagpatak ng alas otso ng gabi. Gumayak na siya. Naligo. Nagbihis. Nagpabango. Nang biglang humuni ang selpon nya . Mensahe ni Ebo.

‘Hnda m srli m kano’

Napangiti siya. Bagong parukyano. Gagawin niya ang lahat ngayong gabi upang maaliw at mabighani ang sino mang kanong ito. Papaikutin niya ang kiliti nito habang ihihimpil ang orasan at nang mapigtal ang ano mang agam-agam ng panahon na ipagkait pa sa kanya ang swerteng matangay sa kung saang mundong walang nakakakilala sa kanya. Isang mundong palaging may bagong umaga at pag-asa kahit pa itakwil na niya ang pagiging isang puta.

30.4.09

araw sa tag-ulan

sobrang ulan na ito sa kalagitnaan ng tag-araw. bahagya pang napawi ang halumigmig na hatid ng nakaraang pasko, eh, lintik at biglang lumulob muli ang sambayanan sa baha! mas malala pa. kaya naman, pagkapananghalian ayun at katalamitan ko radyo na nakagawiang umuyayi sa akin tungo sa isang mahimbing na siesta. lagi akong nakatutok sa SUPER RADIO DZBB tuwing ala-una dahil masigasig ang boses na aking naririnig sa kanyang gawaing pagtulong sa mga may mga hinaing at mga nais may ipaabot na katiwalian. buo at macho ang boses ni gani oro na siyang host ng ORO MISMO. sa halos ata mahigit anim na buwan ng aking pakikinig parang pakiramdam ko ay may relasyon na kami! ilusyon! sa dami ng kanyang mga nairaos mula sa kanilang mga problema, parang gusto ko na rin minsang dumulog sa kanya pero parang hindi VALID ang mga nais kong pakialaman niya!

at heto na nga kanina, biglang nawala ang aking antok nang mailahad ang bitbit na suliranin ng isang ale mula mandaluyong. aniya, nais niyang makipagtulungan sa bureau of immigration para maiuwi sa norway ang isang national na kasalukuyang nasa kanyang pagkandili. ayon sa kanyang salaysay, natagpuan niya ang 43 años na norwegian na pakalat-kalat sa luneta. nanlilimahid at nagpapalimos noong isang buwan. sinaniban raw siya ng awa at inuwi sa kanila at inalagaan. nagawa niya ito sa gitna ng kanyang pagsasaayos naman ng sariling papeles upang mamasukan sa bahrain. nagawa rin niya ito kahit na maliit lang ang kanyang bahay kasama ang asawa at mga anak. GELMA ang pangalan ng ale at nagkusa siyang makipagtulungan na sa norwegian embassy at sa mga magulang (na nasa norway at hindi masundo ang anak dahil sa katandaan; pero nagpadala na ng perang pambili ng tiket) ng kanyang inampon. sa kanyang deskripsyon sa banyaga, parang nagkatrauma ito at mayroong nervous breakdown dahil takot raw ito sa tao at sa kanya lang nagtitiwala. kailangan lang niyang dumulog kay Gani upang maitulay siya sa immigration office at dumaan sa tamang proseso na mapauwi ang kawawang foreigner.

namangha si gani sampu ng opisyal ng immigration sa kagandahan ng loob ni aling Gelma, napaiyak naman ako dahil sa pagkabusilak ng kanyang puso na bigyan ng puwang ang isang taong naligaw at napariwara sa kanyang bayan... biglang bigla parang umaraw sa maulan kong hapon...

malamang sa darating na mga araw mafifeature ang kwento ni aling Gelma sa mga news at public affairs show ng GMA, at seguro mas magkaroon ng lawak ang laman ng kwentong aking inilahad.

26.4.09

PLEASANT VILLAGE (LOS BAñOS LAGUNA) ELECTS ENVIRONMENTAL TERRORISTs AS PRESIDENT & VICE PRESIDENT!





ITO ay isa sa mga kaganapang lubhang nakababahala. kahit na it ay isang pangyayari sa isang malayo at pangkaraniwang subdivision sa laguna. ang pleasant village ay minsang naging isang katangi-tanging lugar kung saan maraming mga edukadong tao ang naninirahan. mga propesor sa karatig na UPLB, mga technocrats sa IRRI at iba pa. nitong nakaraan eleksyon ng mga board members, inihalal nila sa dalawang pinakamataas na katungkulan ang dalawang maituturing na ENVIRONMENTAL TERRORISTS.

BAKIT naman? una, yaong VICE PRESIDENT ay naglagay ng manukan sa mismong bahay niya. okey lang yon kung mangilan-ngilan , ngunit, noong tumagal ay mistulang poultry na at nagpyesta ang mga bangaw sa gitna ng amoy nito. ito ay nangyari noong mga 1998, at kung hindi ko pinursiging tanggalin ito malamang may babuyan na rin siya. ang nakakatawa pa, nang inireklamo ko ito sa samahan, parang naramdaman ko na nais nilang konsintihin ko na lang? HELLO? EH kaso dinukomentaryo ko ito at naihinga na sa isang dating kasamahan sa brodkast sa isang network kung kaya nang sabihin ko na kung hindi nila tigilan ang kabalbalan iyon, tiyak sisikat sila ON NATIONAL TV. tinanggal naman, pero ang KAHUNGHANGAN ay nakatatak na.

ito namang PRESIDENT. ewan kung saan nagmana ng pagkaMORET. noong 2005, aba, biglang nagtayo ng TALYER sa harap ng kanyang bahay. noong una, akala ko'y simpleng pagkumpuni lamang. pero 'wag ka, maya-maya'y may tolda na at ilang sasakyan na ang nakapila. syempre, akala ko matinong matandang dalaga ang damuho eh di hinayaan ko na muna. aba naman, heto na po at nagpipintura na sila, syempre amoy kemikal na ang paligid! at di naglaon may mga TRAK nang nakaparada para pansinin! tinawagan ko sila at sinabing parang dapat nilang tanggalin ang ganung kalakaran pero di nila ako pinansin. mistula nang talyer ang kalyeng dinadaanan ko! tineks ko ang LUKRING na presidente ng panahong iyon pero kinompronta pa ako ng makapal na mukha niya na para bang OK lang ang ganun! sa inis ko, binato ko sila ng mga bote, sa isip ko, ABA KUNG BABUYAN LANG NG KAPALIGIRAN , SALI NA RIN AKO DIYAN. tinawag nila ang barangay captain na wala namang nagawa kundi sang-ayunan ako sa aking reklamo. aba , makapal din ang mukha ng matandang dalaga (na kung UMASTA ay parang lalakeng baduy) at kinompronta pa ako! THE NERVE. may death threats pa ang GAGA! ewan ko kung alam niyang naidokumentaryo ko rin ang kanyang KAISTUPIDAHAN at puede kong iYOUTUBE anytime na asarin ako muli para makita ng buong mundo ang kanyang malabakulaw na hitsura habang bumubula ang bibig at ipinangangatuwiran ang KABALAHURAAN SA KAPALIGIRAN!

sa lahat ng ayaw ko, MGA TAONG BINABALAHURA ANG KAPALIGIRAN... dapat SINASARILI ANG KABABUYAN... kung anumang KAWALANGHIYAANG gawain, sana gawin ito sa LOOB NG SARILING BAHAY at dapat hindi NAGKAKALAT NG MASANSANG NA AMOY! pweh!