17.11.09

GAGANG PANGARAP

“Bobo ka ba? Sbi q wag k n txt sa # n 2!!!”

Napatigagal si Gaga sa nabungarang reply ng kapapadala nyang message sa 09108686668. Para siyang sinakluban ng nigong puno ng sinukmaning panis ; di kaagad makapag-reak. Sandali siyang napabuntong-hininga sabay tipa ng hinlalaki sa keypad ng nabiling lumang N73 sa kapitbahayng tindera sa palengke.

“ I’m nt xpectd ur tx; im not bobo pls do nt angry. Baket k ba gl8 sa mundo?” tipa tapos send.

Isang oras siyang naghintay. Boba nga eh. Super hintay siyang mag-reply ang ka-bastusan sa text. Ilang beses ring siyang nagtangkang krumeeyt ng mensahe pero di pa man tapos ang nais niyang iparating eh, dinidilit na nya agad. Naisip nya na kung ano ang isasagot sa huli nyang pinadala ay doon siya huhugot ng pambugang-utak na mga salita para matauhan ito. Biglang humuni ang selpown nya.

“Mamya sa jalibi”, sabi sa txt ni Ebo.

“Ayoq n”, txt bk nya.

“taena may utang sqin”

“sk n kta byrn, pd?”

“taena, di pd!”

“k”

“anong k?”

“k, my pnlo b aq sau tngna m”

Hayop. Iyon ang tangi niyang naibulong sa maalinsangang tanghali. Hayop. Bayad-utang, dyokad. Wala na bang bago sa buhay nya? Napatingala siya sa tuyong pugad na ngayo’y nakabitin na lang sa puno ng mangga , naisip nyang batuhin ito nang tuluyan nang maglaho sa kanyang paningin tuwing siya’y titingala at nang di na siya mag-alala kung nasaan na ang mga maiingay na inakay na minsang umaliw sa kanyang payak at makamundong katuturan. Ano kaya kung tawagan nya ang nadampot na numerong galit sa mundo? Di bale na. Baka nga naman malasin pa siya… Oo, malasin. Umalat ang pagkakataong makatagpo ng isang lalakeng hahango sa kanya sa kinasadlakang pusali.

Katorse pa lang ay naglalako na ng kanyang bibingka si Gaga. Palibhasa sariwa , pinag-agawan siya ng mga tricycle drayber, mga pahinante, mga pulis , at kung sinu-sino pa sa Crossing. Lahat sila gusto siyang matikman. Ginawa siyang pulutan ng mga oras na iyon ng kanyang kabataan. Di naglaon, nang magdidisiyete siya, mistula na siyang nalaos. Limang beses nagkatulo, apat na beses inagasan, tatlong beses nagpalaglag sa matandang aborsyonista sa Timugan. Sinubukan rin nyang dyomokad sa Calamba, sa Sta. Rosa at sa isang bar sa Cubao. Lahat sila ang tingin sa kanya butas sa laman na parausan. Ni minsan walang tumrato sa kanya bilang isang mabining dilag na inaalayan ng pag-ibig.

Wala halos. Minsan meron din, yaong mga nauuto niya sa teks. Namumulot siya ng numero sa mga tabloid na Bulgar, Bomba at Tiktik… sa mga bus at minsan sa listahan ng mga numero sa suki nyang e-load sa me palengke. Pero hanggang doon lang ang lahat. Walang naisulong na matatawag na magandang relasyong naganap. Wala na rin kasi siyang matatawag na pamilya. Maagang pumanaw ang kanyang mga magulang at ang pinaghabilinan sa kanya matandang dalagang tiyahin ay yumao rin matapos makipagbuno sa kanser. Nang maibenta nya ang mga kakarampot na ari-ariang naiwan nito, hinayaan na niyang maging puhunan ang angking kagandahan at kabataan upang itawid ang bawa’t isinumpang araw niya sa mundo.

Binahay na rin siya ni Ebo. Kaso, maliban sa pagiging parausan at kalakal na inilalako sa tabi ng TwinklePops; ginawa pa siya nitong alila. Sinubukan niya itong mahalin. Natatawa nga siya kapag naalala ang kanyang mga pagtatangkang palambutin ng pagmamahal ang katigasan ng bungo at panga ni Ebo dahil wala talagang pag-asa ang engot na bugaw na ‘yon. Wala siyang kakayahang maging tao… magkaroon ng kaluluwa o damdamin man lang. Halos pareho rin kasi ang naging buhay nila. Kaya pera-pera na lang.

Pagpatak ng alas otso ng gabi. Gumayak na siya. Naligo. Nagbihis. Nagpabango. Nang biglang humuni ang selpon nya . Mensahe ni Ebo.

‘Hnda m srli m kano’

Napangiti siya. Bagong parukyano. Gagawin niya ang lahat ngayong gabi upang maaliw at mabighani ang sino mang kanong ito. Papaikutin niya ang kiliti nito habang ihihimpil ang orasan at nang mapigtal ang ano mang agam-agam ng panahon na ipagkait pa sa kanya ang swerteng matangay sa kung saang mundong walang nakakakilala sa kanya. Isang mundong palaging may bagong umaga at pag-asa kahit pa itakwil na niya ang pagiging isang puta.

No comments: