17.5.08

ang lihim ng laot


dahil sa biglang paglangoy ni dyesebel sa ere, bigla kong naalala ang maikling kwento ng aking lola. isang kwentong hindi mo matatawag na alamat dahil ito ay naganap noong kanyang kabataan sa mga unang taon ng nakaraang siglo. kahit halos tumatakbo sa isa hanggang dalawang taon lamang kami nagkakasama tuwing bakasyon, walang pagsawang pinapaulit-ulit ko ito sa kanya. narito ang kwento sa maaabot harinawa ng aking alala...
... sa isang bayan sa bohol kung saan siya ipinanganak at nagdalaga, una siyang niligawan ng isang mangingisdang tatawagin nating dudung. bagama't malaki ang agwat ng kanilang katayuan sa lipunan hindi naging hadlang upang ituloyang kanyang pamimintuho. syempre, nang malaman ng asenderong ama ang nangyayaring ligawan, pinagbawalan na nito ang anak na makisalamuha sa mga tiga-sawang , o ang baryo sa may pier. labis itong na ikinasama ng loob ni dudung at isang gabi ay naglasing at pumalaot mag-isa. ilang araw ring nag-alala ang kanyang mga magulang at kapwa mangangalakaya, dahil sa kanyang biglang paglaho. hinanap siya ng mga ito ngunit kaipala'y bigla rin itong sumulpot. laking mangha nilang lahat dahil halos umapaw sa lamang-dagat ang kanyang maliit na bangka. doon na nagsimula ang kanyang pag-unlad. pumapalaot itong mag-isa, at sa kanyang pagbabalik laging sagana sa isda. bagama't mangha ang lahat, hindi na nila pinag-abalahan pang sitahin ito. di naglaon, nagpatayo na ito ng isang magarang bahay sa bayan at muling nanligaw sa aking lola. hindi na nagawang ipagtabuyan ng aking lolo sa tuhod si dudung dahil isa na ito sa mga pinagpipitaganang mamayan ng kanilang lugar. nguni't sadya rin palang wala talagang gusto sa kanya ang babae. nang hindi nito nakamit ang matamis na 'oo' ay nagsimula itong maging masungit at madalas ay nagpapainom sa kanyang bahay. minsan raw sa kanyang kalasingan ay naihinga nito ang kanyang mga paghihimutok. aniya, kung alam lang sana niyang kahit siya yumaman ng ganoon at hindi pa rin niya makamit ang puso ng dalagang nililiyag ; sana ay hindi na niya nagawa pang mambola ng isang sirena! dugtong raw nito, nang siya'y nawala ng ilang araw at gabi sa laot siya ay kinandili ng isang 'kataw' o sirena at naaliw sa kanyang pagsipol habang ito ay umaawit. bagama't hindi ito tahasang nagsasalita, wari niya'y nagkakaunawaan sila sa pamamagitan ng isip. at dahil alam ng sirena na ang makapagbibigay saya sa kanya ay masaganang ani sa dagat, kusa raw nitong inilalagak ang sari-saring isda . pagkaraan ng ilang taon, bigla na ring naglahong tuluyan si dudung at hindi na muli pang nakita. ilang mangingisda na rin ang biglang yumaman sa kanilang bayan, ewan kung katulad ni dudung ay may nakilala silang sirena...

1 comment:

Anonymous said...

sadyang maraming lihim ang laot at kalikasan! anu't anuman, ang nangyari kay dudung ay isang paalala sa lahat..

tito tom this is great!feels like i was part of my great great grandma's audience while she was relaying this story to you!! more posts please!! :)