sa abot ng aking alaala mula pagkabata, nararamdaman ng aking balat ang pasyon ng bawa't taong nagdaraan. una'y bigla na lamang na mapapawi ang halumigmig na iniwan ng pasko at pangalawa'y maglalangitngitan ang mga bago at kalawanging yerong bubong. nagsasabaw na rin halos maghapon ang katawan sa pawis at lagi mong hanap ang halo-halo ni gingging sa may bukana na taun-taon 'ata'y nagmamahal. at dahil bakasyon na rin halos, naroon ang matinding pagnanais na takasan ang malupit na singaw ng siyudad at magtampisaw sa kung saang bukal, ilog o dagat. kailangan na ring mag-imbak ng makasalanang tsitsirya at banal na mga prutas upang maibsan ang maya't mayang pagkalam ng tiyan sa di maipaliwanag na dahilan.
heto nga't kwaresma na naman. sa muli't muli , ang lahat sa mundo ng kristiyanismo ay hinihikayat ng tradisyon na tutukan ang pangunahing tauhan sa relihiyong kinagisnan. lalong napapanatag ang hirarkiya nito kung lantarang ipaabot sa sanlibutan ang hapdi ng mga latay at ang dalamhating hatid noong kadiliman ng panahon upang isalba tayong lahat sa kasalanan. sa gitna ng lahat ng ito ay pagtuon na rin sa kalagayan ng ating buhay ispiritwal... hanggang saan kaya natin hinamon ang kalabisan at karangyaan ng pagkagumon sa kasalanan? hanggang kailan kaya natin natiis ang pagpakabanal sa harap ng tukso? kunsabagay kanya-kanyang kamada lang yan... diskarte't pagtanggap.
nguni't ang kwaresma para sa akin ay ang katahimikang naidudulot nito sa kaibuturan ng aking pagka-ako sa loob ng kubo sa tabing dagat ng aking kamalayan... habang patuloy na naghihintay sa pagdating ng dulo ng lahat ng ito!
siya nawa...
1 comment:
naku, akosa bahay lang at nag-iisip isip ng mga kasalanan nagawa ko :)
Post a Comment