lagi natin itong naririnig. sa tv, radio, dyaryo, komiks o mula sa bibig ni aling bebeng na reyna ng talipapa sa kanto. ginagamit itong pasaring o di man panuldok sa mga usaping walang kapararakan; personal man o pulitika, moral man o pangkalikasan. lagi-lagi. batbat man sa hinagpis ang tinamaan ng kuryenteng balita, lagi pa ring naroon ang mga katagang : 'at the end of the day'... atda en op da dey. oo nga naman, sa pagtiklop ng araw, ang halimuyak ng gabi ang siyang tanging mamamayani hanggang sa pagtawid nito tungo sa isa pang bukangliwayway...
atda en op da dey, masasabi pa rin nating swerte tayong mga pilipino at napakahigpit ng ating mga yakap sa ating kultura at pamilya na siyang nagbibigkis sa isa't isa upang mapunan ang anuman nating pagkukulang...
atda en op da dey, sagana pa rin ang ating mga puso sa pagmamahal sa kapwa at kahit na may sigalot ay madali nating nasusulsihan ng pag-unawa at pagbaling sa magagandang nakaraan...
atda en op da dey, kay sarap isiping sa dako man roon o dako man dito ay lagi kang may matatawag na iyo kahit pa man ito ay isang immateryal na bagay na kahit kaylan ay di mo maipagyayabang...
atda en op da dey, nariyan ang ating pananalig na hindi tayo kaylanman mawawalan ng pag-asa sa gitna ng pagdarahop at matinding pamumulitika dahil alam nating buo ang ating mga loob na lagi tayong pinapatnubayan ng Dakilang Manlilikha sa ating mga puso...
oo, atda en op da dey, walang nabawas sa ating pagkatao , bagkus, lagi tayong naragdagan ng karanasang magsilbing bisig sa pagtupad at ating mga adhikain dito sa lupa...
1 comment:
Wagi!!! at da en op da dey... redhorse at boy bawang...kasama ang tawanan. maganda ang buhay. may mga taong gaya mo na positibo ang pananaw sa buhay!.
Post a Comment