labis kayang masalimuot sa isipan ang magkaroon ng isang reyalisasyong ikaw ay ipinanganak sa maling panahon? balot naman seguro ng sigalot ang katotohanang kahit kailan hindi maipagkakailang wala itong sapat na batayan upang ipagmaktol. marahil ay ipilit na lang ang sarili sa kinalalagyang pahina ng buhay at isakatuparan ang nararapat. ngunit gay-on pa man, may kung anong nakabilanggong siklot sa iyong damdamin na nagpupumiglas na makalaya! iyon ang panghihinayang na disin sana kung ang katuturan ng iyong pagkatao'y namamayagpag sa kanyang karapatdapat na panahon, marahil ay mas maaliwalas ang paglalakbay .
madaling gawing dahilan na lamang ito ng mga nilalang na sa wari'y hindi nagwagi sa kanilang mga adhikaing propesyonal at/o personal... silang mga wika nga'y natisod sa landas tungo sa kanilang inaasam-asam na tagumpay. mga natatanging tao na hindi pinalad maging puno't bahagi ng isang pagbabago sa lipunan, sa sining, sa kalinangan at ng sa sibilisasyon.
ang mga taong grasa, halimbawa, ay matatawag ba nating iniluwal sa maling siglo o sadyang sila'y pinagtaksilan lamang ng kanilang mga sariling damdamin? ikaw ba na napasyal dito ay buong ningning na makapagsasabing: "oo naman, i was born on the right century!"
No comments:
Post a Comment