15.10.07

ang totoong pangyayari sa buhay ni baby boy

namamayagpag na si baby boy sa mundo ng palara't kaplastikan. hindi matatawaran ang ugong kasabay sa kanyang pagdating. lahat napapamangha't di mapakali kung saan nila ilalagay sa kanilang kamalayan ang tindig at gayuma ng tinaguriang 'bagong adonis' ng lokal na syobis. biglang-bigla lang kasi isang umaga nariyan na siya. parang kuting na iniwan ng kung sino sa may tarangkahan; parang liham mula sa isang darating pang panahon; parang ulam ng luto ng kapitbahay na inilaan upang tikman. ganun katindi ang dating niya, binura lahat ng kasalukuyang pantasya ng mga baklang reporter at itinuon sa sariwang ani mula sa isang malayong probinsya.

kinse pa lang si baby boy nang mapasabay sa pinsang nagtatrabaho sa pabrika sa novaliches. nilisan niya ang sariling baryo dahil na rin sa talamak na kadahilanang kahirapan. halos hindi niya kilala ang tunay na magulang at lumaki siya sa mga nagpakilalang kamag-anak. walang larawan, walang kasulatang siya'y ipinanganak, walang matatawag na pinagmulan. bagama't nagkagayon, nagbunga rin naman ang kagandahang-loob ng mga kumalinga sa kanya; biniyayaan siya ng katapangan ng loob at sibilisadong pakikitungo sa kapwa. ito ang kanyang naging sandata.

binitbit siya ng baklang kalapit-kwarto ng pinsan sa isang gay bar sa timog at di naglaon ay naging bahagi siya ng mga kalalakihang gumigiwang sa kumukutitap ng ilaw at binabali ang katawan sa indayog ng nakaka-kalasbutong tugtog ng bon jovi. umani siya ng tagumpay at dahil sa nakakalaway niyang karisma at de-ochong kargada ay nahumaling na rin sa kanya ang mga tiga-industriya ng pagkukunwari. binild-ap ng sikat na manedyer at ngayon nga'y di na talaga mapigilan ang kasikatang tinatamasa.

wala nang bakas ng nakaraan sa mukha ni baby boy, naglaho na rin ang masalimuot niyang pinagdaanan... ang lahat ngayon ay kulay rosas, harinawang 'wag siyang mapariwara. harinawa.

No comments: