isinaboteng syokoy sa gitna ng mga de-latang sirena. ito ang titulo ng isang malanovela at masalimuot na kwentong halos limang taon ko nang binubuno. hanggang nayon ayaw pa rin akong lubayan ng konseptong nakasiksik sa kaliwang talukap ng aking mata sa isip. di ko pa rin mapapakawalan dahil halos makalawang gabi ay dinadalaw ako sa aking panaginip ng mga tauhan nito. sa hindi ko mailarawang pangyayari nakatagpo ko sila sa isang burol ng bulubunduking tinaguriang 'anak ni mariang makiling' dahil ito ay halos kadikit na ng matalinhagang bundok nguni't di naman karugtong. sila (ang mga tauhan) ang nagbigay na rin sa akin ng kakautal na titulo. sila rin ang nagtataya kung paano ko sila paiikutin sa loob ng lumawak-kumipot na mga sitwasyong nag-uugnay sa kanila.
hindi ko halos matantiya kung ilang gabi nila akong pinuyat upang ayusin ang sandamukal na sigalot na dumarating sa kanilang bungang-isip na mundo. minsan nga ay inutusan nila akong bumangon sa aking pagkakahimlay upang sa madaling araw na iyon ay lakarin ko ang kahabaan ng national highway mula los banos hanggang pila upang sumingaw sa aking noo ang solusyon sa kapariwaraan ng kanilang buhay sa loob ng aking utak! ang mga tinamaang...
ang lahat ng ito ay buntunghininga laang . wala naman akong balak na hindi tapusin ang kanilang paghihirap dangan lamang sana ay tigil-tigilan muna nila ako habang papalapit na ang pasko... kaso lang, alam ko mamya sa aking pagtulog dudungaw muli si olivia at kakalabitin ako sabay singhal: 'hoy, hahayaan mo bang matetengga kami dito sa ere ng iyong katamaran?'
No comments:
Post a Comment