o1.
heto, parang tuksong
sumasagi muli sa guniguni
ang pag-aray ng kalawanging
yero sa kasibulan ng
kasumpa-sumpang tag-araw
na nagpapatingkad pa sa gitna
ng umaalingasaw na lungsod
na walang kasiyahan...
'di na malinaw. madilim.
ang bulag naming pugad
ay di inalintanang sa
dako pala noo'y pugad
pa ring maaangkin ;
sabihin pang
kapalaran ay sakbibi
ng kulimlim.
hugis at anyo
ni ina ay di napansin.
sapat nang galis niya'y
mangiliti sa tuwing
sasalang sa magrasa niyang
utong ang hayok naming
pagnanasang lumakas na't
gawing alaala ang bubwit
naming mga pag-aakala!
kaya't kahit kakambal ng pagkabalisa
ang sindak naming tinamasa nang
minsang multo na lamang niya
ang aming pinagsasahan : dusang
pinasan ng aninag pa naming mga
pusong sa pagtibok ay nagkarerahan
habang tinutumbok
ang sigalot ng pagkaulila naming lubos...
praning kaming sumiyap. humikbi, umasang
sa pagsanib ng maka-dagang himala
ay tumibay nawa't pikitmatang
maglambitin sa sinulid ng buhay na
ambang mauudlot!
marahil na-salvage si ina.
... malamang pagod siya noon at lulugo-lugong
nilandas ang kanto quirino't raon
kung saa'y palipasan nilang mga naka-solvent
at nababatong mga tambay ang
pamamana't panunumpak
ng mga kalahing nagkamaling mapadako roon...
malamang hapong-hapo siya at di na nakuhang umiwas pa
at hinayaang malasin sa tudla ng pana't bala...
harinawang ibinurol muna ang
giniling niyang katuturan sa loob
ng mga mumurahing siopaw huwag
lang sanang pagsawaang sagasaan
at paulit-ulit na lapastanganin
ang kasalotsalutan niyang
kaanyuan habang nag-aabuloy
ng kabantutan sa
lungsod niyang
minamahal at
sinabuyan ng pagbibirong
kalagiman at kabulukan!
oh, ina... daga man
ay sa kanya kami nagmula;
bunga ng kalaswaang malimit
natitisuran sa
gilid ng mga nawawalang imburnal
tuwing sinasapian ng makadagang
pagnanasa ang lamig ng
bawa't karumaldumal na
hatinggabi.
o2.
ngayon? heto nga't may tatlong linggo na
mahigit kami... halang na rin ang panlasa at
may namumuong galis na rin sa magkabilaang
tagiliran.
ilang kiskisan na lang sa pagitan ng
mga non-biodegradables ay mapapanot
na rin ako...
minsan, tuwing nadadaan ang lumbay : kisameng
pugad muling dinadamay, hindi bagama't sa kirot
ng kalamnang kabubwitan tumalas
ang pang-amoy at nagpasyang
lisanin ang pinagmulatang hurno... ah... lakas ng loob,
konting agam-agam
at gabundok na 'bahala na!'
tinahak namin ang
landas tungo sa
totoong mundo...
tinalon ang nasumpungang laboratoryo; buo ang loob na
nauna ang ilan sa aming magkakapatid at
sa sindak ay natanaw silang
nasalo ng kawang puno ng nagkikislapang
mga bitak-bitak na kristal na
anyong sinasangag
sa puting usok...
sinasala't sinisinghot ng
isang patpating mamang dilat na dilat!
suwerte ko naman at lapag
lumagapak sabay karipas ng takbo
sa sulok at nagtago...
sinampalad silang natusta : nakaligtas na sana si bunso;
kaso'y trip niya'y di na nasakyan, tatlong araw na di
umidlip at nang magiyang at lumabas ay
naapakan tuloy.
pano'y tinityempong sisinghutin ang
puting ulap na
paminsan ay bumababa sa
sahig mula sa basong tubo na
dinadarang sa malumanay na
apoy... sinabayan pang ipananghalian ang mga
tumatalsik na malulutong
na bato.
hayun.
winalis ng paa.
natakot tuloy ako.
nagpasya na ako.
kailangang makatakas - ang
naulinigang ingay ng dumadaloy
na kahibangang kamaynilaa'y
nagpasuko sa kasabikang
mapangatawanan ang
marubdob na pagnanasang
naramdaman ; pagnanasang
hagkan ang lupang pinagtamnan
ng mga pangitaing mapaglaro
at mga pangarap na binubulok
ng kasakimang hatid ng
pagdarahop... naglaway ako
sa nasamyong pusali kung
ipupunla ang makamandag na
adhikaing kasasangkutan!
sa isang mahabang
pasilyong yero na
dinadaluyan ng malamig na hangin
ako'y napadako...
kabadong tinahak ang gabok at himulmol
at pilit na nakatuwaang itutok ang
pansin sa dulo nitong
may kung anong mga aninong
kumukutitap sa dilim...
saglit na sanang naaliw
sa nabungarang romansahang baliw
nguni't muntik-muntikan nang
natuliro sa agos
ng katampalasang tumatatak sa
telon : pelikulang pinoy,
prodyus ni behang hunghang.
basurang di mapapapak; sa isipa'y dumi
ang nilalatak.
kawawang bansa, inaalipi't inaalipusta
mapasagana lamang ang mga
dayuhang tampalasan sa
kalinangang dina-daga, na nga!
sa paglilimayon natisurang bigla
dagang university belt ; walang
pakundangang nagngangawa
habang hinahablot ang
katiyakang
manamnaman ko raw sa malao't
madali
ang umaasbong kabulukang
saykososyopulitika na
lipunang kukublihan ; gagalawan,
pag-ingatan ko pa man na di
mabungaran
basta't seguraduhin ko lang
na lipulin ang kalinisan!
oo na nga lang at nakakalula
siya. isang pretensyosang
intelektuwal dahil
daga pa rin siyang
buhay ay kay ikli
wala man sa langit
ang taning!
bagong sibol lamang ako. bagong dugo sa
bayang nagdarahop na nga'y walang pasubaling
dinadarambong!
o3.
wala nang pagsidlan
ang tuwa't galak
habang sa
wakas ay
natunton ang dulo
ng sabik kong
paghahanap ng
itinakdang daigdig
sa loob ng isa pang
daigdig na nakabalot
at nabahiran ng
walang patumanggang
kabalahuraang
moral
at mortal
na katotohanan...
di magkandaugagang harutan
ang aking ginawa!
nakipaghalakhakan sa mga
bangaw ; tsikahang umaatikabo
sa mga ipis at uod... landiang
walang patumangga sa mga
nagbagong anyong kulisap ng
kapahamakan!
lambadahan sa saliw
ng nakakatoreteng trapik
ay halos mabundat ang mura
kong kadagaan sa
mikrobyong buong
puso nilang
ilalaan!
walang sawang sosyalan
pala ang nakakahilakbot na
misyon sa ko'y pinupuntirya...kahindikhindik ang
siphayong idudulot manapa'y
malamang na sa paglipol
ng aming uri sa katampalasan ng tao, mistulang
sambahan ang bawa't tambakan ng basurang
kasulasulasok at kami'y
pagpalaing kikilalaning magmamay-ari
sa planetang laspag!
gastroenteritis.
'yan.
'yan ang malimit
kong ipahid
sa mga plato't
kutsara't tinidor
na burarang sagabal
sa aming pagliliwaliw...
at sa mga dilang nakalawit
habang umiidlip silang mga
walang maturingang kama
kundi saydwok lamang.
at 'yang musmos na naglilimahid sa kalye ay
lihim nang sumanib sa aming lipi... ano pa at sa
kanilang pangangalkal at paglalangoy sa karagatang
lungsod sa tag-ulan ay sinisimsim na rin
ang dapat ay sa amin lamang... di nga ba't kulang
pa man sa panahon ay pinipitas na sila ng libingang limot?
malaganap na ngang tunay
ay ipanagsasawalang-bahala
pa rin nilang mga sakreng kaluluwa
ang kabalbalang katuwiran ng aming
pagka-kami?
sukat ba namang pinaglahok
nila ang kamandag ng kapabayaan upang
masakop namin ang
karapatang ibatong
pabalik sa lipunang mapagparaya
ang kabaliwang sakupin ng aming
uring mapamuksa ang
karapatang handugan sila ng epidemya?
gutay-gutay na ang dalisay
na simulaing banal...
ginahasa't nilinlang sa
pinagnanasahang kaunlaran...
hibang na rin ang kalakhang katuturan
ng sangkatauhang kababalaghan!
paano nga ba ang magpaalam?
magpaalam?
hindi na uso 'yan.
sabayan na lang ng
malutong na 'ingat ka'
sapat na.
heto ako ngayon
sa tuktok ng jones
tumutulay.
tumutula.
humuhuni habang
nakatingala sa
nag-uuling na
papawirin at inuugoy
ng masidhing
panlulumo...
daga lamang akong
hatid ay bubunik, kolera,
leptospirosis at
kung anek-anek pa.
dagang tinatawiran ng makamandag na dugong
isinalin ng kasumpasumpang panahon na
kahit pa ang ilog na pinagbabantaang languyin
ay bilanggo na rin ng
sinalantang pangitain!