12.2.08

tulay na sinulid

sa napakahabang kadahilanan , huwag nang sabihin pang masalimuot ; napatira ako sa isang looban sa tatalon. hindi ko na halos maapuhap sa aking alaala ang bawa't sandali ng aking pananatili roon na umabot rin sa halos anim na buwan. dinala ako roon ni 'roger', suki kong taksi driver nang minsang sunduin niya sa aking pinagtatrabahuhang klab. dinatnan niya akong nakatambay sa harap ng ilan kong bagahe na naglalaman ng ilang gamit. sabi ko sa kanya baka sa motel na muna ako magpapalipas ng araw habang naghahanap ng matitirhan. konting kwentuhan sa lugawan bago niya ako ihahatid sa may cubao, nabanggit niyang bakit hindi ko subukan 'yong bakanteng paupahang kuwarto ng kapatid niya sa may tatalon. medyo maliit nga lang raw pero maayos naman at libre ilaw at tubig sa halagang isang libo , isa pa mabuti na raw 'yong kakilala niya ang titira roon. naisip kong bakit nga naman hindi ko subukan pansamantala.

nang marating namin ang lugar, at binababa ko ang bintana upang tantiyahin ang lugar, sumalubong sa akin ang pinaghalong amoy ng tao, lupa at basura. napangiwi ako, pero dahil
antok na rin ako sa magdamagang pagpapatugtog at pagpapakilala ng mga tinamaang sexy dancers, tumuloy na rin ako. mabait ang ate dang ni roger. mukhang may mahihita ka namang katinuan sa kanyang ipinagmamalaking mga paupahang silid. maliban sa malinis na linolium at pinturado ng pink ang dingding, may kama na rin ito at kainamang aparador para sa mga damit at ilang gamit. sa maayos na pakikipag-usap, pumayag siyang one month deposit-one month advance dahil nga sa sinabi kong 'pansamantala' lang naman at biglaan ang pagkakalayas. pagkakape't pamamaalam ni roger, pinasok ko na ang aking bagong daigdig.

makaraang maiayos ko ang lahat, humiga na ako upang umidlip at mamahinga't makaipon ng lakas para sa isa pang gabi ng ingay, alak, musika at halakhakan. unti-unti na sana akong lumulubog sa pagkahimbing nang mapansin kong umaga na pala at oras na ng paggising ng 'normal' na daigdig. naroon ang ingay ng radyo, mga batang umiyak-tumawa, mga kalampagan at mga kababaihang sabay-sabay na nagbubunganga. napangiti ako. ito nga yata ang matagal ko nang ninais maranasan... ang tumulay sa sinulid ng buhay sa lungsod. ang walang katapusang pagpasok sa makipot na butas ng karayom upang masulsi ang pinagtagpi-tagping pangarap ng bawa't nilalang na napasadlak sa gusto't ayaw man nila sa pakikipagsalarang kahit papaano'y may umagang madadatnan sa gitna ng dusa at tuwa...

1 comment:

Anino said...

Ang galing mong magsulat.Malalim ang bokabularyo mo sa wikang Filipino.

matindi ba ang kulay pula?Nagiging hadlang na ba ito sa maayos na pagbabasa?

Sana ay makaboto ka bago matapos ang araw.maikli lang naman ang proseso.

Siyanga pala,maari ka bang makapalitan ng link?