nakapanghihilakbot ang kaganapan sa pakistan. tinirang parang aso lang ang lider ng oposisyong si benazir bhutto. walang kapararakang pinasabog rin ng hitman ang sarili at ni ha , ni ho, basta't sinabing nagtagumpay muli ang terorismo. buong panlulumong maiisip natin na papalapit na ngang matutumbok ng mga halimaw ang mitsa ng mundo. isa-isa nilang nilalagas ang mga mortal na nagbibigay inspirasyon upang mabuhay ng matiwasay ang sari-saring lahi sa daigdig nating kinalakhan... unti-unti rin nilang minamanhid ang ating sensitibidad upang pikitmatang matatanggap ang ano mang kaganapang kanilang ilulunsad.
ang tanong: saan nga bang bahagi ng sangkatauhan nagsimulang magsiklab ang poot na ito? anong katanungan pa ang maari nating igawad sa katarantaduhang ito? wala na ba tayong karapatang mangarap ng tahimik at maunlad na buhay? ano ang nauna ang manok ng itlog o itlog ng manok?
hindi nga yata sapat na magkaroon lang ng magandang intensyon sa buhay kundi ang masama rin. sakbibi nating lahat ang responsibilidad na pairalin ang matinong pamamaraan ng pamumuhay ngunit dapat rin nating alalahaning nariyan lang sa tabi-tabi ang mga malignong ang tanging handog ay kapahamakan!