13.11.07

kainan sa dilim

biglang naalala ko tuloy si mader isang gabi noong habang ako'y lumalaps ay nagbrown-out sa aming village. local disruption lang naman, at walang relasyon sa pag-aalburuto ng palakang kapapardon pa lang habang ipinagdadamot ang kanyang mga naharbatchi. at dahil nasa kainitan ng paglantak ng crispy pata at dinuguan, kinevs ko na. eat pa rin, kese. kahit halos di maaninag ang nakahain, pagkuwa'y kinapa ko na lang at nagkamay. sa di ko maunawaang dahilan, lalo kong nalasap ang linamnam ng lafanggi. pumapalatak sa lutong ang balat ng pata... lalong matingkad ang asim sa dugo at sa laman. doon ko natantong mayroon palang malalim na katuwiran si mader kung bakit siya lumalamon sa dilim... kahit hindi siya naputulan ng meralco.

hindi siya ang bayolohikal kong ina. siya ang ina-inahan kong bakla. siya si mader. hindi ko na babanggitin pa ang namesung niya dahil minsan ay pumasada rin siya sa syobis. matagal kaming nagsalo sa kanyang lungga sa may kubaw at maraming karanasang pinaghatihatian. kaya lang ngayon ko lang talaga natanto ang idiyosinkrasiyang aking napansin sa kanya noon, bagamat pinalampas di na hinalukay pa. malimit niyang kainin sa dilim ay ang paborito niyang kalderetang itik. akala ko talaga, pinagdadamutan niya ako noon; sey ko naman sa sarili ko eh hindi naman ako lumalaps ng itik. marahil ay ninanamnam niya ang mga alaala ng kanyang kabataan sa pateros sa pamamagitan ng lasa nito. malamang susubukan ko rin mamayang lantakan ang isang paketeng fig newtons sa dilim, baka sakaling umagos na parang ilog ang ilang mga eksena ng aking kabataan sa isang tagong bayan sa bukidnon...

1 comment:

JGG said...

masarap kumain sa dilim, di ba? alam mo hindi ako kumakain nga palaka pero kung ipinapakain yung palakang pinalabas ng serena mula sa mala palasyong halwa,naku, kakainin ko talaga! ewan, ano ba naman itong pinasasabi ko.. hehehe