17.2.10

SINO NAMAN ANG IBOBOTO KO?


Hindi ko sure kung may mapapala sa akin ang sino man sa mga PRESIDENTIABLES. Ang sure ko ay dapat may mapapala ako sa kanilang lahat. Natural lang 'yon. Natural na parang mga palaka sa Biology class na sinusuri dapat ang lahat ng kaliit-liitang himaymay ng mga ito para magkaroon ng hugis ang ideya kung ano ang likaw ng bituka ng mga ito. Tatratuhin ko rin silang parang mga manliligaw na hangad ang matamis kong 'OO' samantalang inaaninag ko ang tunay nilang karakas at kulay. Malamang, ipagkukunwa ko silang mga isda sa palengke - laos ang bilasa, shoot sa banga ang sariwa! O di naman kaya mas magandang sa palabunutan ko na lang dadaanin ang aking pasiya! HUWAG. Huwag ganun, sabi ng konsensya ko. Dapat raw ay seguraduhin ko sa aking sarili bago ko markahan ang bilog na hugis itlog sa tapat ng pangalang aking iboboto na tatanggapin ko ang responsibilidad na ang aking kaisa-isang boto ay bahagi ng magiging kapalaran ng aking bayan sa susunod na anim na taon. Merong nagtatanong kung nakaligo na raw ba ako sa basura, merong nangangakong hindi magnanakaw, meron namang isasakay ako sa isang jetplane, merong nag-sesebo ang mukha at maikli ang dila, merong kubang tomboy, merong matandang maraming asawa , meron ring bumubula ang bibig sa salita raw ng diyos niya; meron ding sinasangkalan ang kalikasan; at meron din namang dine-dedma lang ang pangangampanya!

SINO NAMAN ANG IBOBOTO KO? Iboboto ang sinumang mangangakong ipasasara nya ang lahat ng SABUNGAN sa Pilipinas. Iboboto ko lalo ang sinumang manunumpang gagawin niyang ILLEGAL ang BOKSING! Iboboto ko rin ang mga natitsimis na CORRUPT, dahil ang mga kurap na aking nakilala sa mga probinsiya at mga bayan-bayan ang merong mga pinakamaunlad pamayanan. Ang tulong sa mga nangangailangan ay agad-agarang nariyan, yaong mga nagmamalinis inaabot ng siyam-siyam ang mga proyekto. Iboboto ko lalo ang mangangakong wala siyang ipapangako kundi ang magpapakatatag sa harap ng lahat ng mga pagsubok habang siya ay nakaluklok sa kapangayarihan. Iboboto ko rin ay yaong may kaigaigayang personalidad na hindi natin ikahiyang ihilera sa iba pang pinuno ng mga bansa sa planetang ito. Iboboto ko yong ang talino ay isang makatuturang pagbalanse ng tama sa mali, at ng mali sa tama!

3.2.10

paano ba maging isang kabit?


Parang isang patak ng white flower rekta sa mata ang katanungang : “Paano ba maging isang kabit?” Oo, ganun ang naramdaman ko nang humarap ako sa salamin at tanungin ang aking sarili. Hindi ko mawari kung meron akong nakatagong malutong na sagot . Hindi ko rin alam kung matatagalan ko na titigan ang aking makasalanang mukha na nakasimangot ngayon sa akin. Halatang pinangunguhan ako ng aking konsensya. Marami pang kabuntot na katanungan paligid nitong aking nararanasan na ipinagdarasal kong harinawang sumabog at sukat sa hangin na para bagang mga bula. Nguni’t heto’t para silang mga kulani na ang titigas at masasakit tuwing sinasalat kahit nang bahagya.

Paano nga ba maging isang kabit? As in kahati sa pagmamahal ng isang nilalang na mayroon nang pananagutan sa buhay. Kabit , as in pangalawang prayoridad nya sa kanyang kasalukuyang mundo. Tagasalo ng tira-tirang libog ; aliwan tuwing may sigalot sa kanyang ‘totoong’ relasyon. Kumbaga, pangatlong unan sa kamang matrimonyal; tigaligpit ng mga latak na damdamin habang nakatago sa madilim na sulok ng kanyang buhay. Ganun?

Pag kabit ka, ikaw ang kontrabida. Ang mang-aagaw. Dapat matibay rin ang anit mo dahil malamang na ikaw ang magpapaubaya sakaling sabunutan na ang usapan. O di kaya, kailangang aspalto ang mukha mo upang sa isang lagapak ay kalyo ang aabutin ng misis nya. Hindi ka na dapat nagtatanong o mag-aksaya pa ng panahong umasa na mabigyan ng magandang kahihinatnan ang pinasok mong sitwasyon. Tapang ng apog lang panlaban mo dahil hindi maglaon ay kalat na sa buong ginagalawan mo ang kagagahang pinasok mo. Naroong iismiran ka sa walang kadahidahilan o pagsabihan ng mga atribidang mga gurang na immoral ang katauhan mo. Naroon ring iisipin ng mga kalalakihan na medaling masungkit ang tahong mo. Eh paano kung bakla ka? Yan ang aking suliranin. Ako’y baklang kabit ng isang lalaking may pananagutan na sa buhay. Nang makilala ko kasi siya may kung anong kumiliti sa tumbong ko at nang hindi siya pumalag nang tanungin ko kung ayos lang na luhuran ko siya nabihag na niya ang aking buong pagkatao. Huli na nang malaman kong may asawa na pala siya nang minsang sabay niya kaming sinundo sa palengke! Patay-malisya lang niyang sinabi sa aking babalikan na lang niya ako pagkatapos niyang ihatid ang kanyang misis. Parang lumutang ang ulo sa mabantot na kubeta ng palengke habang hinintay ko ang kanyang pagbalik at hanggang ngayon ay tameme pa rin ako… hindi ko kasi kayang basta na lang na tapusin ang mga luhurang nagaganap lalo na’t inuupuan ko na rin siya ngayon.

Ang konswelo lang naman ay nang mabasa ko ang pinaskel niyang ‘bumper’ sa kanyang pinapasadang pedicab…

Choosy ka pa?