29.11.08

ang pag-ibig ng isang tuko

parang sinaniban ng mga demonyong binanlian ng icetubig si direk nang humalakhak ito sa pagkabanggit ng titulo ng pelikulang inalok sa kanya. hindi siya magkamayaw sa sarili habang bigla itong nawalan ng balanse at tuluyang nahulog sa bangin. mabuti na lang at may beywang na batuhan ang pinatakan, kung hindi malamang na itutulak ng bagsak ang bali-baling mga paa sa malatang utak na binalot sa bungong kalbo. nagmumura ang bakla habang tumatawa pa rin. kundisi ba namang doon pa naisipan ng prodyuser na banggitin ang titulong : 'ANG PAG-IBIG NG ISANG TUKO'... ang pelikulang malamang ay sa isip na lamang ng may likha mapapanood. paano kasi, ito ay hango sa kasaysayan ng isang trenta anyos na parlorista sa payatas na ginahasa ng tatlong guwapong bagets. idenimanda nya ang mga ito at napilitang iuurong kapagdaka dahil sa pakiusap ng kapatid ng isa sa kanila. ang kapatid na nag-alay ng wagas na pagmamahal sa baklang tumigas na ang mukha mapatunayan lamang na balido ang kasong 'rape' ng lalaki sa kapwa lalaki...

isinantabi na lamang ang proyekto dahil nawalan ng gana ang may pitaka, at dahil na rin sa aksidenteng inabot ng sana'y magiging direktor nito.

27.11.08

kulimlim sa takipsilim


pagkaraan ng humigit kumulang anim na taon, muli akong nagkaroon ng pusa. ilang araw bago dadaan si 'frank' noong hunyo, dumaan si rose, ang manikurista ng bayan at inabot sa akin ang isang plastik bag na kumikisaykisay! ektwali, napagusapan na namin yon na sakaling magkakuting ang alaga nyang inahin , eh bigyan niya ako. kaya , ayon dalawang purong itim na kuting ang kanyang inihatid. sobrang liit noong isa na pinangalan kong 'ulingling', kaya hindi na ako nagtaka ng makaraan ang dalawang araw eh nanigas na ito nang aking matagpuan sa ilalim ng sopa! nabuhay naman 'yong isa na bininyagan ko ng 'kulimlim'. tumakaw at napakalambing. at pagsapit ng takipsilim , pahirapan na sa paghanap sa kanya... obyus naman seguro baket , noh???

23.11.08

kumusta ka, mandaya moore?

hindi ko na napigilang kumustahin ka. kasi ba naman ramdam ko ang pinagdadaanan mo ngayon. hindi ko maubos isip na tuluyan na kayong maghihiwalay ni kuya kulot. nasundan ko kasi ang masasayang araw na kayo ay halos magkapalitan na ng mukha. naging bahagi na rin ang inyong love story sa mga kwentong ipinaaabot ko sa aking mga kumareng hindi natitisuran ang blog mo. nakikisimpatiya ako sa bawa't hibik ng iyong puso at bawa't halakhak ng iyong ngalangala. nakikirubdob na rin sa mga sandaling ipinapahiwatig mo kung gaano katindi ang inyong pagmamahalan.

ngayon, parang hindi ko maubos isip na ang lahat ng iyon ay magiging isang tumamis-umasim na alaala na lamang habang pinaghahatian nyo ang mga materyal na bagay na inyong ipinundar... habang tinitikis mo ang anumang dahilan upang lumawig pa ang inyong samahan... habang sa likod ng puso mo ay naroon ang iyong isip at binigbigyang lohika ang anumang damdaming sumasagupa sa natitira pang pagmamahal sa kanya.

lumuluha kaming iyong mga tagahanga sa kinahinatnan ng dakilang loveteam sa mundo ng blog... ang tirso-nora, bobot-vilma, manilyn-janno, sharon-gabby, etc ng aming panahon!

choz.

20.11.08

text scam

a few years back, nauso ng bonggang-bongga ang text scam. bigla ka na lang nakatatanggap ng message sa selpown mo congratulating you na winner ka raw ng malaking halaga. kung medyo aanga-anga ka at born yesterday, syempre kakagat ka at ang siste ay tatawag ka at gagawin mo lahat ang iuutos sa'yo nung nasa kabilang linya. una, pabibilhin ka ng load cards at ifoforward mo ang combinations ; at di birong dami ang hihingin sa iyo,huh? at dahil super naive na ang dating mo sa kanila, saka ka nila paiikutin hanggang sa kinakailangan mong magpadala ng pera. marami rin ang naging biktima ng sindikatong ito dahil marami ring gullible sa mundo. malawakang pinahatid ng mga awtoridad ang babala laban sa modus na ito upang mabawasan ang mga prospective victims.

pero lately lang, marami ang dumudulog sa mga public service programs sa radio na may ganitong mga hinaing. isang tiga-sariaya, quezon ang nadugasan ng halos sitenta mil! ayon sa kanya, para raw siyang nabatubalani sa boses ng kausap niya sa telepono at nang utusan siya nitong kailangang magpadala ng pera upang maiproseso ang pag-release ng kanyang napanalunang 499,000.oo ay agaran niyang ibinenta ang kanilang kalabaw at isinanla ang sinasakang bukid para matubos agad ang sinasabing halaga! 'yong isa naman, halos 300,000.oo naman at isang honda jazz raw ang kanyang matatanggap kaya lang nasa cebu ang kotse at kailangan ng halos 45,000.oo para mai-freight ito! naku, dalawa lang yan sa mga superTANGANG nabiktima na umaasang mabawi ang pinakawalang pinaghirapang pera na napunta sa mga taong halang ang bituka at namumuhay sa laman ng iba!

hanggang ngayon wala pa ring nahuhuling mga salarin. sana bukas.

17.11.08

as in?

kilalang babaero ang napangasawa ni sonya. bago pa man niya nagpagpasiyahang tanggapin ang alok ng kasal ay piho nang mistulang 'magnet' si tani sa mga kababaihan. pagkaraan ng ilang buwan ay pabiro kong tinanong si misis kung naka-ilang babae na si mister mula noong nagsama sila.
'meron na ring ilan', walang pasubaling sagot niya
'chika lang sa'yo?', sundot ko
'oo naman,hindi na isyu 'yon as far as i'm concerned'
'owwws?'
'anong owwws?'
'owwws na wala kang pagseselos man lang?'
'ewan ko lang, pero kung tanggap mo kasi ang mahal mo, kahit ano pa siya, isasa-owws mo na ang lahat!'
'pa'nu?'
'dapat kasi sa panahon ngayon, hindi mo i-aasa kanino man ang emotional needs mo...'
'ganun?'
'yey, ganun nga. dapat hindi ka nakasandal sa anumang bagay, tao o pilosopiya'
'huh?'
'hindi pag-aari ang asawa, kung ano ang gusto niyang gawin at sa paniniwala niya ay tama para sa kanya, go!'
'paano kung mapasarap at magkaleche-leche buhay ninyo?'
'may tamang venue para diyan, dapat kasi hayaan mong magkaroon lagi ng space ang isa't isa... if the love is strong, then it is, if otherwise, then there is always a solution, and being emotional shouldn't be one of them'
'taray!'
'hindi katarayan 'yon, nagpapaka-totoo ka lang dapat always. iwasan ang malugmok sa takbo ng mga mumurahing teleseryeng laganap ngayon'
'ay super tarash!'
'kung buo kasi ang paniniwala mo sa iyong sarili, mag-tatranscend yan sa buong scenario ng life mo!'

nosebleed. nakalimutan ko na psychiatrist pala ang bestfriend ko!

5.11.08

ano pangalan mo kung japanese ka?

Nakaaaliw ang pampalipas oras na ito; itugma lang sa mga letra ng iyong pangalan ang katumbas nito sa nippongo ...

A - ka
B - tu
C - mi
D - te
E - ku
F - lu
G - ji
H - ri
I - ki
J - zu
K - me
L - ta
M - rin
N - to
O - mo
P - no
Q - ke
R - shi
S - ari
T - chi
U - do
V - ru
W - mei
X - na
Y - fu
Z - zi

tulay sa hangin

sandaling nabulabog ang aking pamamahinga nang bigla ko na lang naalimpungatang undas na naman pala. sa hindi maurirat na kadahilanan, hinayaan ko ang aking kamalayang dumayo sa ilang bahagi ng aking buhay sa maynila. malamang ito na nga ang tinatawag nilang mid-life crisis. ito 'yong kalimitan ay kinahintakutan ng maraming dumating sa itinakdang panahong ito. ano pa nga ba at napayakap ako sa aking sarili nang malirip ang katotohanang di ko pansing naroon na ako sa kalagitnaan nito! marahil , kung nagkataong nasa gitna ako ng isang pinagkakaabalahan ay tuwiran ko agad itong matukoy sa pamamagitan ng mararamdamang stress lalo na sa aking iniwang trabaho na punumpuno ng intriga at makukulay na mga kasabay. mabuti na lang at bago pa man ito lumaganap sa aking pagkatao ay naihanda ko ang lahat, bagama't hindi ko tuwirang inalam kung papaano. sa dinadaanan ko ngayong karanasan , napagtatanto ng mga sitwasyon ay nararapat itampok sa aking isipan. malimit na aking 'naglahong kabataan' at 'masigabong karera' sa mundo ng media ang idinadamay. ito ay dahil sa mga matitingkad na alaalang pumapalamuti sa kung ano na nga ako ngayon.