11.4.08

yapos sa bula

saglit
nang nayapos
ang bula
ng 'yong hiwaga
taglay ang kamandag
ng pag-ibig na
naglaho't nawala
nguni't di nabura sa init
ng labi mong sa labi
ko'y nadarang...
ngayon, sabay sa pagsabog
ng liwanag at hapding
dala ng mga alaala
muli kong makakapiling ang kasinungalingan ng
iyong mga
panata...
may tamis. kay pait.
at
minsan pa'y naglalambitin
sa pagmamahalang
inanod , nilunod
ng kasabikang
sakim.
tulad ng ilog sa lilim ng tulay
ihahatid sa laot
ang tubig na buhay;
umalat man ay
huwag sanang
ipagkaila ang dalisay na pagsuyo'y tabang
kahit kaylan..
ilubid man o ibilanggo
sa hanging dumadampi sa damdaming
usok ang kawangis
na hinihigop ng buwan...
sabihin pang may dulo
ang walang hanggan
nawa'y hayaang tumibok
ang pag-asang naroon
ka at matitisuran mo ako
sa pagliko ng kailanpaman.
1996
paulhroquia

1 comment:

Anonymous said...

hello... ang sarap namnamin ng hapdi ng nakaraang pag-ibig... lalo na kung ang paghilom ay dahandahan... ohhhhh