17.2.09

moon mamOn! moon mamOn!

tuwing kabilugan syempre ng buwan

hayun siya't di magkamayaw at parang sinisilaban

wala namang pumapansin pilit siyang nananalamin

at kahit paano ay may mag-aksayang maninimdim!



moon mamOn!

moon mamOn!



adik siya sa liwanag ng buwan

sabik sa puting silaw nito

walang init, walang laman

kaya naman ang tawag sa kanya

ay

moon mamOn!

moon mamOn!



walang lasa. walang tagik.

walang pag-asa, laging sabik.



moon mamOn!

12.2.09

isipin mong meron! meron! meron!

napapangiti ako sa sandwich spread ad sa tv, kahit walang palaman raw, isipin mong meron. maganda ang mensahe. nagbibigay ito ng malalim na pahatid sa mga kabataan. kahit na wala, isipin mong meron .

pag-gising mo sa umaga, wala palang tubig panghilamos at pangmumog ; isipin mong meron.

pagkumalam ang sikmura, at walang itong laman ; isipin mong meron.

pagdukot sa bulsa, butas na't walang barya ; isipin mong meron.

pagdampot sa selpon, magtetext ka sana, kaso wala nang load ; isipin mong meron.

pagdating ng valentines, maghapon kang mag-antay , wala man lang bumati sa'yo ; isipin mong meron!



ganyan ang takbo ng isip ng mga taong positibo... kahit wala, meron.

kaya lang mas maganda nga naman kung meron talaga!

meron kang talino, sipag at lakas ng loob na sikaping mawala ang wala at laging MERON!



pero sa ganang akin, kahit walang-wala ako, basta 'andyan SIYA, meron pa rin akong ngiti!



akala mo lang wala. pero meron, meron, meron (plak!)

10.2.09

YupYupTiPaPingPaPing

minsan kapag dinadalaw ka ng pagbagot at napagbabalingan ang sarili, huwag kang magugulat kung sa iyong pag-aninaw ay nasusuklam ka sa iyong kahunghangan. sadyang ganyan ang mga timawang buraot na sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay ipinaglihi sa bulok na tulya, tahong at halaan. kahit na nga labis nang umaalingasaw ay pikit-mata at kapal-mukhang sisinuhin ang anong inaano ano sa anumang katarantaduhan. pilit mang ibangon ang katiwaliang kinasasadlakan ay lantaran pa ring maaninag ang sakbibing kakulangan sa tamang pag-iisip ukol sa mga bagay-bagay na sadyang ipinamana ng isang lahing utal sa lirikong katuturan na pinagtatangkang hagilapin. harinawang sa hatinggabi ng iyong kamanhiran ay maibubulalas ang mga katagang:

YUPYUPTIPAPING

YUPYUPTIPAPING

YUPYUPTIPAPING

YUPYUPTIPAPING

YUPYUPTIPAPING*





... ulit-ulitin lang hanggang malagas ang iyong mga bulbol

at muling sumibol sa kung saan-saang bahagi

ng iyong karumaldumal na

kagagahan...





*mula sa isang 'shake,rattle&roll' series.

9.2.09

ayoko na. ayoko nang magmahal.

ayoko na . ayoko nang magmahal.



ngatal kong nasambit sa hangin habang humahangos papalayo sa'yo. pilit kong kinandado ang lagusan ng aking mga luha nguni't lalo itong nagpumiglas na dumanak sa nag-aapoy kong mga pisngi. hindi ko akalaing mararating natin ang ganitong pagkakataon kung saa'y kimi kong tatawirin ang unti-unting nasusunog na tulay na nag-uugnay sa atin. malalim na ang gabi subalit nagliliwanag ang kalangitan sa mga eksenang nagdaan; mga tikom na halakhak at impit na paghibik habang sa alaala'y sinusungkit natin ang lunggati.



ayoko na. ayoko nang magmahal.




bakit may kung anong sumisitsit sa damdaming pakawalan na kita. tuluyang isaboy sa kawalan ang pag-ibig na nadarama... sindihang parang kwitis at itudla sa buwan habang binubura ng iyong mga kasinungalingan ang nilatak ng kataksilang dapat ay ipinagkibitbalikat ko na lamang. bakit? bakit ako nagtatanong at bakit ayaw ko namang marinig ang anumang sagot? bakit?



ayoko na. ayoko nang magmahal.



kung hindi kahapon ano't ngayon pa? haya't tuloy pa rin ang aking pag-uusisa... ayoko na nga ba ... ngayon o kailan man? o ayoko na nga bang umibig sa iyo? nguni't sadyang marupok ang puso kong hinubog ng iyong halik... bingi at manhid ang damdaming inaaruga ng iyong mga haplos at mariing mga yakap magdamag... ayoko na nga bang talaga?



ayoko. ayokong tigilan ka!