26.7.08

tulang toksik, isa pa.


pusa

sa kawalan ng mamahali'y

kuting siyang iyong aampunin.

bibitbitin at aamuin sa kakapiranggot

na dilis nang agad kang kilalaning

panginoon.

papangalana't ilalayo sa mga pusakal

nang di mapariwara ang bubot na

kamalayang pusa.

hahagurin, lalaruin, ipagbubunying

parang sanggol

hahanap-hanapin upang pagod mo'y

mapigtal sa mayuming kalambutan

ng balahibo niyang hika ang katapat.

at sa kanyang pagkapusa'y mangingimi

ka, di niya alintana ang

pag-aruga

sapat nang lumaki siya't magising

kang ang lambing niya'y gutom

at sa mata'y pagkain ka!


1991

18.7.08

BARONG NI BARON GIESLER



kamanghamanghang sa halos 48 years na lumutang ang demanda laban kay baron giesler, kamakailan lamang siya umapir sa mga paunang pagdinig na mukhang kargado ng lakas ng loob upang tawirin ang kanyang kinakaharap sa ngayon. bilang isang aktor, hindi pipitsugin ang mga pagganap niya mula pa nang siya ay magsimula bilang child star sa abs-cbn. sa kabila ng kanyang nakakatusing na pagka-konyo boy ang dating, masinop niyang napangatawanan ang mga papel ng isang tipikal man o komplikadong meztizo na gumagalaw sa kontemporaryong lipunan. sa kabila pa rin ng mga kontrobersiyang nakakabit sa kanya, mariin pa ring natatanggap ng industriya ang aliw at panandaliang pagkawindang na hatid ng mga ito. natsismis ring nag-iiba ang kanyang pagkatao twing ito'y nalalango sa alak (o anupaman, sa ganang amin). nagiging agresibo raw ito masyado at laging tumbok ay seksuwal, kundi man rambolan. kahit na nga siya ay nakapasok at tumira sa bahay ni kuya; walang pagbabago whatsoever , ganun talaga siya: pasaway, eksentrik, sobrang totoo. malala ang bintang laban sa kanya, isang matatawag na krimen laban sa kababaihan. isang masalimuot na pakikipagsapalaran sa larangan ng paglabag sa batas. maraming hakahakang dahil ayaw makipag-ayos ang mga martinez; malamang na maraming rehas ang kikinis at iinit sa kanyang mga haplos. mayron din namang naniniwalang mabibigyan na maraming pagkakataon ang bawa't partido na mahimay ang butil ng pinagtutuunang reklamo. marahil maraming kaugat at kabuntot na mga kadahilanan ang makakalkal at mailatag sa lilim ng araw . bagaman kilalang artista na si baron giesler, mas nararapat siyang umayos sa pagharap sa hukuman. dapat ang kanyang kakisigan ay magmumula sa ganda ng kanyang pagdadala ng BARONG.

... CONGRATULATIONS, baron... best actor sa katatapos na cinemalaya; best picture din ang JAY...

10.7.08

G A Y V I O L E N C E

... naaliw na naman ako nang matisuran ko ang isang newsclip tungkol sa pagkabayolente ng ilang bading sa ating panahon. basahin na lang po ninyo ang balita:

3 BADING NAGRAMBOL SA MACHONG PAPA
Ni Armida Rico

Sugatan ang isang bading nang hatawin ng bote ng beer sa ulo ng kapwa bading na una niyang sinita sa ginagawang pagpapa-charming umano sa kanyang kasamang machong lalaki sa loob ng isang videoke bar kahapon ng madaling araw sa Baclaran, Parañaque City.
Putok ang ulo nang isugod sa Parañaque Community Hospital ang biktimang si Mario Soriano, 23, real state broker, ng 151-G Coria St., Baclaran, Parañaque matapos hatawin ng bote ng suspek na si Joel Imperial, 30, waiter at residente ng Block 6 Lot 1 Don Carlos Village, Pasay City.
Base sa imbestigasyon ni SPO2 Edwin Bagacino ng Police Community Precinct 1 ng Parañaque, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Akira Resto & Bar sa Quirino Avenue, Baclaran.
Lumalabas sa imbestigasyon na kasama ng biktima ang kaibigan na nakilala sa pangalang Mark de Guzman at nag-iinuman naman sa katabi nilang mesa si Imperial at kapwa bading na si Michael Malana, 24, service crew, ng 551 Escobal St., Sampaloc, Maynila.
Napuna umano ni Soriano ang malalagkit na tingin at panay pa ang pa-charming ng dalawa sa kasama niyang lalaki (De Guzman) kaya’t sa hinalang binabalatengga na ng dalawa ang ka-partner, tumayo ang biktima at sinita ang mga suspek hanggang sa humantong na sa paghahamon ng away ang komprontasyon.
Paglabas umano sa naturang establisimiyento ay sinuntok kaagad ni Malana si Soriano habang hinataw naman siya ng bote ni Imperial na naging dahilan ng pagputok ng ulo ng biktima.
Pagdating sa himpilan ng pulisya, panay naman ang hingi ng areglo ng dalawa kay Soriano at sinasabing hindi nila sinasadya ang ginawang panghahataw ng bote sa ulo ng biktima.
Sa kabila nito, sasampahan din ng kasong physical injury at alarm and scandal ang dalawang suspek sa Parañaque Prosecutor’s Office.