ewan kung sino na ang nakatira sa address na ito. halos walong taon na 'atang nilisan ni maderey ang lugar na ito na nagsilbing kanyang pugad ng humigit kumulang sa ikaapat na bahagi ng isang siglo. sabihin pang dito na siya hinubog ng panahon at maranasan ang tamis at pait ng mamuhay sa masalimuot na lungsod. noong dekada 70 hanggang 80, mistulang paraiso ito ng kanyang napakaraming kaibigan at 'ka-ibigan'. naikuwento rin niyang dito siya tuluyang nagladlad at pinalaya ang sarili sa natumbok na kasariang kay tagal rin niyang kinimkim upang hwag maging abala sa kanyang pamamayagpag sa corporate world. halos gabi-gabi ay di ito nawawalan ng bisita. lalo na noong nagpasya ang inang reyna na pangatawanan ang pagiging scriptwriter at tuluyang lumublob sa karagatang syobis. doon rin nabuo ang naparaming obra nila ni steve, ang kanyang direktor.
napatira rin ako dun ng halos sampung taon... pasulpot-sulpot dahil may sarili naman akong tinutuluyan. malimit rin sa hindi ay nagkakatampuhan kami pero kahit minsan hindi nag-away. hindi siya ang tipong aawayin mo kasi nga mader-maderan kaya nilalayasan ko na lang ang pangyayari tuwing hindi ko na masyadong nasasakyan ang mga pangyayari. minsan kasi ang daming 'transients' , mga syoklang tuliro pero may talent, mga ombreng walang talent pero sarap namnamin habang hinahanap nila ang kanilang sarili, mga kamag-anak na nagbabakasyon, mga dating kakilalang tsumitsika ng isang buwan, mga artistang naaliw sa mundong bawat sulok ata ay may aesthetic value, kahit ba apartment lang ito. maraming di malilimutang eksena ang umusbong sa maliit na bahaging iyon ng syudad. mga eksenang nais mong ulit-ulitin sa anupamang makamundong kadahilanan. nakayapos pa rin sa alaala ang address na ito na inuuwian ko sa madaling araw noong mga panahong nag-dj ako sa 'thunderdome' sa timog.
kahit ngayong papalayo na ang panahong aking inilagi sa 55d, napapanaginipan ko pa rin ito at lagi kong ipinapangako sa aking sarili na pumasyal doon. pero bakit pa? naroon pa man ang address at ang apartment, wala na roon ang mga dating nakatira at malamang sa hindi wala na rin ang multong nakitira rin doon.
2 comments:
ang lungkod naman nang pagkasulat neto...
ditsi...
super relate me...
mga apartment na minsang nilalagakan nang mga alaala...
ganda...
markymark3
sobra, noh? iba talaga yong memories ng mga maliliit na sulok na ating ginalawan during 'those years' na nakikibuno tayo sa bilis ng galaw ng lungsod! tnx, marky...
Post a Comment