17.5.08

ang lihim ng laot


dahil sa biglang paglangoy ni dyesebel sa ere, bigla kong naalala ang maikling kwento ng aking lola. isang kwentong hindi mo matatawag na alamat dahil ito ay naganap noong kanyang kabataan sa mga unang taon ng nakaraang siglo. kahit halos tumatakbo sa isa hanggang dalawang taon lamang kami nagkakasama tuwing bakasyon, walang pagsawang pinapaulit-ulit ko ito sa kanya. narito ang kwento sa maaabot harinawa ng aking alala...
... sa isang bayan sa bohol kung saan siya ipinanganak at nagdalaga, una siyang niligawan ng isang mangingisdang tatawagin nating dudung. bagama't malaki ang agwat ng kanilang katayuan sa lipunan hindi naging hadlang upang ituloyang kanyang pamimintuho. syempre, nang malaman ng asenderong ama ang nangyayaring ligawan, pinagbawalan na nito ang anak na makisalamuha sa mga tiga-sawang , o ang baryo sa may pier. labis itong na ikinasama ng loob ni dudung at isang gabi ay naglasing at pumalaot mag-isa. ilang araw ring nag-alala ang kanyang mga magulang at kapwa mangangalakaya, dahil sa kanyang biglang paglaho. hinanap siya ng mga ito ngunit kaipala'y bigla rin itong sumulpot. laking mangha nilang lahat dahil halos umapaw sa lamang-dagat ang kanyang maliit na bangka. doon na nagsimula ang kanyang pag-unlad. pumapalaot itong mag-isa, at sa kanyang pagbabalik laging sagana sa isda. bagama't mangha ang lahat, hindi na nila pinag-abalahan pang sitahin ito. di naglaon, nagpatayo na ito ng isang magarang bahay sa bayan at muling nanligaw sa aking lola. hindi na nagawang ipagtabuyan ng aking lolo sa tuhod si dudung dahil isa na ito sa mga pinagpipitaganang mamayan ng kanilang lugar. nguni't sadya rin palang wala talagang gusto sa kanya ang babae. nang hindi nito nakamit ang matamis na 'oo' ay nagsimula itong maging masungit at madalas ay nagpapainom sa kanyang bahay. minsan raw sa kanyang kalasingan ay naihinga nito ang kanyang mga paghihimutok. aniya, kung alam lang sana niyang kahit siya yumaman ng ganoon at hindi pa rin niya makamit ang puso ng dalagang nililiyag ; sana ay hindi na niya nagawa pang mambola ng isang sirena! dugtong raw nito, nang siya'y nawala ng ilang araw at gabi sa laot siya ay kinandili ng isang 'kataw' o sirena at naaliw sa kanyang pagsipol habang ito ay umaawit. bagama't hindi ito tahasang nagsasalita, wari niya'y nagkakaunawaan sila sa pamamagitan ng isip. at dahil alam ng sirena na ang makapagbibigay saya sa kanya ay masaganang ani sa dagat, kusa raw nitong inilalagak ang sari-saring isda . pagkaraan ng ilang taon, bigla na ring naglahong tuluyan si dudung at hindi na muli pang nakita. ilang mangingisda na rin ang biglang yumaman sa kanilang bayan, ewan kung katulad ni dudung ay may nakilala silang sirena...

10.5.08

'PLONING' ... tagpi-tagping alaala sa gitna ng mga aninong gumagalaw



malaon na ring panahong hindi ako pumapasok sa anumang sinehan. lalo't higit kung ang palabas ay likhang pinoy dahil di katagalan ay mapapanood na rin ang mga ito sa cinemaOne o sa pinoy blockbuster channel ng viva. wala rin akong kaamor-amor sa mga panghikayat ng mga trailer o ng mga sinasabi ng mga nakapanood sa mga premiere nights ng mga ito. at , tabi-tabi lang po ; sobrang gasgas na ang mga inilalahad nitong kwento kuno ng pag-ibig at ng buhay... akala ko habangbuhay nang hindi kikita sa akin ang mga sineng atin, hanggang sa bigla na lang lumitaw ang balitang gumigiling na ang kamera ng PANORAMANILA productions sa cuyo island para sa isang pelikulang pinagbibidahan ni judy ann santos bilang 'PLONING'. ayon sa mga press release, ito ay sinulat at dinirihe ni dante nico garcia, isang production designer at matalik na kaibigan ni juday. sa estado ng pinakasikat na artistang babae ng kanyang panahon, hindi matatawaran ang talas ng kanyang desisyong maging prodyuser ng sariling pelikula. lalong nakakahangang isipin na ipinaubaya niya ang istorya at direksyon sa first timer na si garcia. masasabi ring napaka-inspirado ng buong kalakarang pampelikula nito dahil ito ay napapalamutian ng mga bukod-tanging pagganap ng mga batikang artistang malapit sa puso ni juday.

at nahikayat na nga akong sugurin ang pinakamalapit na sinehan upang panoorin ito. lumublob ako sa marahang daloy ng mga eksena sa loob ng pinagtagpi-tagping hiwaga ng kasaysayan nito. napangiti sa malulutong na 'postcard' pretty na mga tanawing isinaliw sa ginantsilyong paglalahad ng katuturan ni ploning sa gitna ng kanyang katahimikan at matalinhagang pananaw sa buhay at pag-ibig ng kanyang panahon. bawa't sulpot ng karakter ni tessie tomas, bilang 'celeste' ay laging may pandagdag na detalye sa katauhang kahit pinag-uusapan na lamang ay laman ng mayamang alaala ng kanilang nakaraan. ang isinantabi niyang damdamin at paglapat ng pagmamahal sa batang si digo at ang makabuluhan nilang samahang magkakaibigan ay mga natatanging palaman ng panooring ito. ang 'paghahanap' ni mou sei, at ang 'maalat' na himutok ng ginampanang papel ni gina pareƱo ; mga maituturing na natatanging mga bato sa buhangin ng matulaing dalampasigan ng cuyo...

nakagagaang isiping isang pelikulang walang sex o violence o panlalamang sa kapwa at sa sarili ang lumutang sa unang bugso ng tag-araw ng 2008 ; napakasarap isiping sa di kalayuang nakaraan ay malamang isang mundo na pinamugaran ng marubdob na katauhang katulad ni PLONING...

narito ang sinopsis ng 'ploning' mula sa website nito:

In the picturesque island of Cuyo, Palawan, an illegal Taiwanese fishing vessel docks carrying the fisherman named Muo Sei, a man looking forsomething or someone with the name Ploning. He has from sunrise to sundown to look for this "Ploning".
In his search, Ploning is revealed to be the island's town belle of the year 1982. A dutiful daughter to patriarch Susing, a committed supporter to grieving Intang, an honorary sister to extended family Nieves and Toting a wise ally to simpleton Alma, a supporter to broken-hearted Siloy and a co-mother to half-paralyzed Juaning. A woman so important that the townbarely notices the absence of rain because of her presence in their lives.
Despite her renowned beauty, everyone is puzzled why this 30-year-old spinster refuses to get married and still hopefully waits for her beau, Tomas, to come back. Tomas left for Manila when Ploning was 16 years old and there has been no sign of him coming back any time soon. Ploning's silent demeanor adds to the mystery and depth of love that no one seems to understand.. In the center of this, is a 6-year-old boy named Digo who has built his world around the affection and care of Ploning, his foster mother. But his entire world crashes as he learns that Ploning has plans of going to Manila to look for Tomas. Thus, leaving the boy with his bed-ridden mother, Juaning and his strict older brother, Veling. Digo trieseverything to stop Ploning from leaving and finds an ally in the town's visitor, the beautiful town nurse, Celeste. Celeste claims to have known and fallen in love with a man named Tomas and tried to follow him in Cuyo to find out if he loved him back. Ploning, with security and so much faith, denies that her Tomas and the man Celeste fell in love with are the same man. On the day of the fiesta, the rain comes and Ploning seems to be missing. Digo'sfeeling of abandonment leads to a tragedy that grieves the town. But no one was prepared for the secret that Ploning has kept all these years. A secret that exemplifies the selfless love that withstands blood, pain and even time.
Did Ploning choose closure with the man she has been waiting for half her life or the future of young boy whose life is not her own?
Will Muo Sei find his Ploning, accept the love revealed to him or continue to walk in hate?

5.5.08

kiemelitic as in churvalific?

dedma. wa lang aketchiwa ga-move. as in. dedma talaga. sa simpleng kadahilanan ng pagka-utal without batting an eyelash , sobrang dedma lang talaga aketchiwa. una, nahearangga ketch sa radyo ang isang call-in survey at ang tanong ay : "may tiwala pa ba kayo kay senator peter cayetano kahit personal nyang inabswelto ang pangulong arroyo sa zte scam?" dedmahin at kevs. pero ayon sa isang epalynforster, halata raw'ng 'kadugo' ni gloria si cayetano. so ngayon, mas matibay ang 'kadugo' kesa sa 'kapuso' o 'kapamilya'? ehem, paano naman kaya ang mga 'kaatay', 'karectum' , etc? kevs. heto naman biglang hagulgol ni jobert sucaldito sa radyo rin, diumano, sa kanyang natanggap na demand letter mula sa kampo ng kanyang ididemandang si rose flaminiano , lantarang kabastusan sa kanyang pagkatao ang i-address siyang 'jobert sucal-dito o sucal-doon', at nilait pa siya nang sabihing ang hihingin daw nilang damyos ay 'piso at isang platitong mani' dahil wa daw siya andaluch! crayola as in river-river of tears talaga ang shokla! oo nga naman. hwag naman ganun. kung bastos kang tao, hwag mong idamay ang apelyido o buong pangalan ng kinaasaran. foul yon, mommy! foul! as in. pero syempre, bakit mo nga naman hahanapan ng poise at decency ang isang dating nagprodyus ng mga pelikulang may kuyangyangan, kangkangan at dyog-dyogan? wa na. kaya dedmahin na lang at syempre as my now deceased mother used to say: 'sarilinin mo ang iyong kababuyan, hwag mong abalahin ang kapwa sa iyong pagkakalat!'

29.4.08

t a l i p a n d a s

masaklap ang balitang aking natanggap. pinalayas ng isang kamag-anak na lalaki ang kanyang asawa dahil sa pangangaliwa. masaklap dahil hindi kami sanay sa ganitong kalakaran , bihira sa aming lahi ang may napariwarang relasyon. kahit papaano'y naging tapat kami sa aming mga nililiyag, walang bahid ng kakatihan para sa iba pagkatapos heto ngayon...

kung tutuusin, halata naman from the start na kerengkeng si babae. maluho sa katawan at kahit magdildil ng asin ay kakayanin nyang ipa-rebond ang mala-steelwool nyang buhok. kung umasta nga raw ay parang reyna at nungkang magpapaaraw dahil baka masira ang mala-nanang kutis. sobrang arte rin kung makapagyabang ng kakarampot nyang kaalaman sa buhay at sa mundo... ang lahat ng ito ay pinalampas lang ng mga kamag-anak ng asawa dahil matitinong tao naman ang mga ito.

ang lihim ng kanyang karengkengan ay nabunyag makaraan ng halos apat na taong pagsasama... diumano lantaran siyang nakipagrelasyon sa isang kasamahan sa trabahong usong-uso ngayon. madali nyang naitatahi ang mga palusot dahil sa kabaliwan ng oras ng trabaho nila. nang matsimis at tuluyang nasukol, nagkibit-balikat lang ang gaga at nakangiti pang nag-sori. halatang sanay na siyang makipagbolahan kahit sa mga maseselang isyu tungkol sa kanya. pumapel rin ang nanay niya at nagkwento pang talaga rawng may mga ganung pangyayari sa buhay may-asawa... sadyang halata na may pinagmanahan ang kiri sa kanyang pagka-talipandas...

tahimik siyang pinalayas , malamang nagbubunyi ang kanyang damdamin dahil malaya na nyang mapagbigyan ang kung anong kakulangan sa kaibuturan ng kanyang nababaog na puson. malamang malayo sa kanyang isipang maari siyang idemanda o mapalayas sa trabaho dahil sa imoralidad. mukhang wala naman siyang konsensya dahil sanay na pala ang kanyang katawang magpasalin-salin sa iba't ibang kandungan.

totoo nga palang wala ka talagang mahihitang katinuan sa babaeng talipandas.

25.4.08

o m g ! o m g !

"oh my god!" sambit ko sa sarili nang malinawan ang balita tungkol sa 'cannister' na naging malaking hitmaker sa youtube. napa "oh my god!" ako lalo nang mahimasmasan kung saan ito binunot. napa 'juskopeks' naman ang aking lowlah nang biglang may umaray at umaming siya ang may ari ng puwet na pinagmulan nito na ayon sa hits ay pumapatak na sa halos 400,000 nang beses na pinanood! di pa man makatilaok ang manok ay gumapang na sa buong mundo ang nakakasulasok na pangyayari sa vicente sotto memorial hospital sa syudad nin sugbo. libu-libong minuto ang ginugol ng media upang tilarin ang katuturan nito sa pangkasalukuyang panahon. marami ring nakisawsaw sa pag-aakalang ito ay isang isyu na marahil ay makatulong sa pagsulong ng kanilang mga pangaraping pampulitika. o.m.g.!

ang lalong ikina-senseysyonal nito ay ang kaparaanan ng operasyon. paano naman kasi nagmistulang sabungan at palengke ang mismong operating room. sari-saring komento ang maririnig habang kinakalikot ng mga nakagwantes na kamay ang butas kung saan ay nakasaksak ang body spray cannister. malutong ang hagalpak ng halakhakang umalingawngaw sa bawa't sandaling nagkokomento ang punong abalang doktor sa kanyang ginagawa. nakatutok din ang kamera ng ilang miron sa loob mismo ng dapat ay restricted area. nang inilabas na ang kontrobersyal na pabango ay may sumigaw ng "baby out! baby out!", na ipinagbunyi naman ng lahat. nakakapangilabot isiping ginawang karnabal ng mga propesyunal na medical practitioners ang procedure na iyon.

marami tuloy ang hanggang ngayon ay windang pa rin. marami ring katanungan kung kailan sisibakin ang mga balahurang doktor na iyon. mas marami ang nagtatanong kung paano napunta ang bagay na iyon sa bahay-tae ng inoperahan...

cynthia? ang lumantad ay isang 39 na baklang 'paper flower maker'. ayon sa kanya ( na naibalita), namik-ap siya ng bayarang lalake , nalasing at nagising na lang na masakit ang likuran. ganun lang. owwws, sey ng mga juklish, talaga? baka naman self-inflicted?

o.m.g.! kung ano man ang kahihinatnan ng usaping ito ay dapat na rin segurong magkaroon ng reality check ang bawa't juding na ang pag-iingat ay masahol pa sa sampung balahurang doktor!

o.m.g.! pina-blotter kaya ng 'biktima' ang buong pangyayari? dapat segurong hanapin at hulihin ang gumawa sa kanya ng karimarimarim na bagay na iyon dahil kung totoo man ito ay tiyak na may gumagalang 'serial saksak-cannister' na salarin sa queen city!

11.4.08

yapos sa bula

saglit
nang nayapos
ang bula
ng 'yong hiwaga
taglay ang kamandag
ng pag-ibig na
naglaho't nawala
nguni't di nabura sa init
ng labi mong sa labi
ko'y nadarang...
ngayon, sabay sa pagsabog
ng liwanag at hapding
dala ng mga alaala
muli kong makakapiling ang kasinungalingan ng
iyong mga
panata...
may tamis. kay pait.
at
minsan pa'y naglalambitin
sa pagmamahalang
inanod , nilunod
ng kasabikang
sakim.
tulad ng ilog sa lilim ng tulay
ihahatid sa laot
ang tubig na buhay;
umalat man ay
huwag sanang
ipagkaila ang dalisay na pagsuyo'y tabang
kahit kaylan..
ilubid man o ibilanggo
sa hanging dumadampi sa damdaming
usok ang kawangis
na hinihigop ng buwan...
sabihin pang may dulo
ang walang hanggan
nawa'y hayaang tumibok
ang pag-asang naroon
ka at matitisuran mo ako
sa pagliko ng kailanpaman.
1996
paulhroquia

4.4.08

isinuko kita sa langit!

isinuko kita sa langit,
sa kandungang
banal inalay
ang latak
ng lunggating
balot sa
pagkukunwari
at hinamon ng
nalagas na panahon...
malutong ko pa ring
nauulinigan ang
halakhakang
natuyo sa balong
tinunaw ng
sagarang pagsimbuyo
ng isinumpang mga puso
sa mundong sakbibi sa
tuksong
labis-labis
sobra-sobra
bagama't hungkag
sa katuturan!
pumanaw na at inilagak
sa ulilang burol
ang awit na humugis
sa saliw ng iyong
kindat at mapanuksong
paglalambing...
kung saan man dumapo ang mga
pangakong inukit sa bawa't
punong naglaho sa kaparangan
ay di ko na itatanong ;
sapat nang sa dakong kahapon
ay dumaan ka ,
kinulayan at nahabag
sa aking pag-iisa,
isusuko ko na rin ang mga pangarap
na malanghap ay katuparan
ng matayog mong pagnanasang
makaharap sa pintuang
nakalaan sa tangan mong
susi at
ang pagharinawang sabay nating
tuklasin ang
mabubungarang hiwaga upang
ang dalamhati'y lumisan at
sa mga puso'y
magiging luklukan.
sumpa man.
1995
paulhroquia