17.2.10
SINO NAMAN ANG IBOBOTO KO?
Hindi ko sure kung may mapapala sa akin ang sino man sa mga PRESIDENTIABLES. Ang sure ko ay dapat may mapapala ako sa kanilang lahat. Natural lang 'yon. Natural na parang mga palaka sa Biology class na sinusuri dapat ang lahat ng kaliit-liitang himaymay ng mga ito para magkaroon ng hugis ang ideya kung ano ang likaw ng bituka ng mga ito. Tatratuhin ko rin silang parang mga manliligaw na hangad ang matamis kong 'OO' samantalang inaaninag ko ang tunay nilang karakas at kulay. Malamang, ipagkukunwa ko silang mga isda sa palengke - laos ang bilasa, shoot sa banga ang sariwa! O di naman kaya mas magandang sa palabunutan ko na lang dadaanin ang aking pasiya! HUWAG. Huwag ganun, sabi ng konsensya ko. Dapat raw ay seguraduhin ko sa aking sarili bago ko markahan ang bilog na hugis itlog sa tapat ng pangalang aking iboboto na tatanggapin ko ang responsibilidad na ang aking kaisa-isang boto ay bahagi ng magiging kapalaran ng aking bayan sa susunod na anim na taon. Merong nagtatanong kung nakaligo na raw ba ako sa basura, merong nangangakong hindi magnanakaw, meron namang isasakay ako sa isang jetplane, merong nag-sesebo ang mukha at maikli ang dila, merong kubang tomboy, merong matandang maraming asawa , meron ring bumubula ang bibig sa salita raw ng diyos niya; meron ding sinasangkalan ang kalikasan; at meron din namang dine-dedma lang ang pangangampanya!
SINO NAMAN ANG IBOBOTO KO? Iboboto ang sinumang mangangakong ipasasara nya ang lahat ng SABUNGAN sa Pilipinas. Iboboto ko lalo ang sinumang manunumpang gagawin niyang ILLEGAL ang BOKSING! Iboboto ko rin ang mga natitsimis na CORRUPT, dahil ang mga kurap na aking nakilala sa mga probinsiya at mga bayan-bayan ang merong mga pinakamaunlad pamayanan. Ang tulong sa mga nangangailangan ay agad-agarang nariyan, yaong mga nagmamalinis inaabot ng siyam-siyam ang mga proyekto. Iboboto ko lalo ang mangangakong wala siyang ipapangako kundi ang magpapakatatag sa harap ng lahat ng mga pagsubok habang siya ay nakaluklok sa kapangayarihan. Iboboto ko rin ay yaong may kaigaigayang personalidad na hindi natin ikahiyang ihilera sa iba pang pinuno ng mga bansa sa planetang ito. Iboboto ko yong ang talino ay isang makatuturang pagbalanse ng tama sa mali, at ng mali sa tama!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Tagal na nitong post mo... nanalo na si P-Noy. - Ana
Post a Comment