sobrang ulan na ito sa kalagitnaan ng tag-araw. bahagya pang napawi ang halumigmig na hatid ng nakaraang pasko, eh, lintik at biglang lumulob muli ang sambayanan sa baha! mas malala pa. kaya naman, pagkapananghalian ayun at katalamitan ko radyo na nakagawiang umuyayi sa akin tungo sa isang mahimbing na siesta. lagi akong nakatutok sa SUPER RADIO DZBB tuwing ala-una dahil masigasig ang boses na aking naririnig sa kanyang gawaing pagtulong sa mga may mga hinaing at mga nais may ipaabot na katiwalian. buo at macho ang boses ni gani oro na siyang host ng ORO MISMO. sa halos ata mahigit anim na buwan ng aking pakikinig parang pakiramdam ko ay may relasyon na kami! ilusyon! sa dami ng kanyang mga nairaos mula sa kanilang mga problema, parang gusto ko na rin minsang dumulog sa kanya pero parang hindi VALID ang mga nais kong pakialaman niya!
at heto na nga kanina, biglang nawala ang aking antok nang mailahad ang bitbit na suliranin ng isang ale mula mandaluyong. aniya, nais niyang makipagtulungan sa bureau of immigration para maiuwi sa norway ang isang national na kasalukuyang nasa kanyang pagkandili. ayon sa kanyang salaysay, natagpuan niya ang 43 años na norwegian na pakalat-kalat sa luneta. nanlilimahid at nagpapalimos noong isang buwan. sinaniban raw siya ng awa at inuwi sa kanila at inalagaan. nagawa niya ito sa gitna ng kanyang pagsasaayos naman ng sariling papeles upang mamasukan sa bahrain. nagawa rin niya ito kahit na maliit lang ang kanyang bahay kasama ang asawa at mga anak. GELMA ang pangalan ng ale at nagkusa siyang makipagtulungan na sa norwegian embassy at sa mga magulang (na nasa norway at hindi masundo ang anak dahil sa katandaan; pero nagpadala na ng perang pambili ng tiket) ng kanyang inampon. sa kanyang deskripsyon sa banyaga, parang nagkatrauma ito at mayroong nervous breakdown dahil takot raw ito sa tao at sa kanya lang nagtitiwala. kailangan lang niyang dumulog kay Gani upang maitulay siya sa immigration office at dumaan sa tamang proseso na mapauwi ang kawawang foreigner.
namangha si gani sampu ng opisyal ng immigration sa kagandahan ng loob ni aling Gelma, napaiyak naman ako dahil sa pagkabusilak ng kanyang puso na bigyan ng puwang ang isang taong naligaw at napariwara sa kanyang bayan... biglang bigla parang umaraw sa maulan kong hapon...
malamang sa darating na mga araw mafifeature ang kwento ni aling Gelma sa mga news at public affairs show ng GMA, at seguro mas magkaroon ng lawak ang laman ng kwentong aking inilahad.
No comments:
Post a Comment