29.4.08

t a l i p a n d a s

masaklap ang balitang aking natanggap. pinalayas ng isang kamag-anak na lalaki ang kanyang asawa dahil sa pangangaliwa. masaklap dahil hindi kami sanay sa ganitong kalakaran , bihira sa aming lahi ang may napariwarang relasyon. kahit papaano'y naging tapat kami sa aming mga nililiyag, walang bahid ng kakatihan para sa iba pagkatapos heto ngayon...

kung tutuusin, halata naman from the start na kerengkeng si babae. maluho sa katawan at kahit magdildil ng asin ay kakayanin nyang ipa-rebond ang mala-steelwool nyang buhok. kung umasta nga raw ay parang reyna at nungkang magpapaaraw dahil baka masira ang mala-nanang kutis. sobrang arte rin kung makapagyabang ng kakarampot nyang kaalaman sa buhay at sa mundo... ang lahat ng ito ay pinalampas lang ng mga kamag-anak ng asawa dahil matitinong tao naman ang mga ito.

ang lihim ng kanyang karengkengan ay nabunyag makaraan ng halos apat na taong pagsasama... diumano lantaran siyang nakipagrelasyon sa isang kasamahan sa trabahong usong-uso ngayon. madali nyang naitatahi ang mga palusot dahil sa kabaliwan ng oras ng trabaho nila. nang matsimis at tuluyang nasukol, nagkibit-balikat lang ang gaga at nakangiti pang nag-sori. halatang sanay na siyang makipagbolahan kahit sa mga maseselang isyu tungkol sa kanya. pumapel rin ang nanay niya at nagkwento pang talaga rawng may mga ganung pangyayari sa buhay may-asawa... sadyang halata na may pinagmanahan ang kiri sa kanyang pagka-talipandas...

tahimik siyang pinalayas , malamang nagbubunyi ang kanyang damdamin dahil malaya na nyang mapagbigyan ang kung anong kakulangan sa kaibuturan ng kanyang nababaog na puson. malamang malayo sa kanyang isipang maari siyang idemanda o mapalayas sa trabaho dahil sa imoralidad. mukhang wala naman siyang konsensya dahil sanay na pala ang kanyang katawang magpasalin-salin sa iba't ibang kandungan.

totoo nga palang wala ka talagang mahihitang katinuan sa babaeng talipandas.

25.4.08

o m g ! o m g !

"oh my god!" sambit ko sa sarili nang malinawan ang balita tungkol sa 'cannister' na naging malaking hitmaker sa youtube. napa "oh my god!" ako lalo nang mahimasmasan kung saan ito binunot. napa 'juskopeks' naman ang aking lowlah nang biglang may umaray at umaming siya ang may ari ng puwet na pinagmulan nito na ayon sa hits ay pumapatak na sa halos 400,000 nang beses na pinanood! di pa man makatilaok ang manok ay gumapang na sa buong mundo ang nakakasulasok na pangyayari sa vicente sotto memorial hospital sa syudad nin sugbo. libu-libong minuto ang ginugol ng media upang tilarin ang katuturan nito sa pangkasalukuyang panahon. marami ring nakisawsaw sa pag-aakalang ito ay isang isyu na marahil ay makatulong sa pagsulong ng kanilang mga pangaraping pampulitika. o.m.g.!

ang lalong ikina-senseysyonal nito ay ang kaparaanan ng operasyon. paano naman kasi nagmistulang sabungan at palengke ang mismong operating room. sari-saring komento ang maririnig habang kinakalikot ng mga nakagwantes na kamay ang butas kung saan ay nakasaksak ang body spray cannister. malutong ang hagalpak ng halakhakang umalingawngaw sa bawa't sandaling nagkokomento ang punong abalang doktor sa kanyang ginagawa. nakatutok din ang kamera ng ilang miron sa loob mismo ng dapat ay restricted area. nang inilabas na ang kontrobersyal na pabango ay may sumigaw ng "baby out! baby out!", na ipinagbunyi naman ng lahat. nakakapangilabot isiping ginawang karnabal ng mga propesyunal na medical practitioners ang procedure na iyon.

marami tuloy ang hanggang ngayon ay windang pa rin. marami ring katanungan kung kailan sisibakin ang mga balahurang doktor na iyon. mas marami ang nagtatanong kung paano napunta ang bagay na iyon sa bahay-tae ng inoperahan...

cynthia? ang lumantad ay isang 39 na baklang 'paper flower maker'. ayon sa kanya ( na naibalita), namik-ap siya ng bayarang lalake , nalasing at nagising na lang na masakit ang likuran. ganun lang. owwws, sey ng mga juklish, talaga? baka naman self-inflicted?

o.m.g.! kung ano man ang kahihinatnan ng usaping ito ay dapat na rin segurong magkaroon ng reality check ang bawa't juding na ang pag-iingat ay masahol pa sa sampung balahurang doktor!

o.m.g.! pina-blotter kaya ng 'biktima' ang buong pangyayari? dapat segurong hanapin at hulihin ang gumawa sa kanya ng karimarimarim na bagay na iyon dahil kung totoo man ito ay tiyak na may gumagalang 'serial saksak-cannister' na salarin sa queen city!

11.4.08

yapos sa bula

saglit
nang nayapos
ang bula
ng 'yong hiwaga
taglay ang kamandag
ng pag-ibig na
naglaho't nawala
nguni't di nabura sa init
ng labi mong sa labi
ko'y nadarang...
ngayon, sabay sa pagsabog
ng liwanag at hapding
dala ng mga alaala
muli kong makakapiling ang kasinungalingan ng
iyong mga
panata...
may tamis. kay pait.
at
minsan pa'y naglalambitin
sa pagmamahalang
inanod , nilunod
ng kasabikang
sakim.
tulad ng ilog sa lilim ng tulay
ihahatid sa laot
ang tubig na buhay;
umalat man ay
huwag sanang
ipagkaila ang dalisay na pagsuyo'y tabang
kahit kaylan..
ilubid man o ibilanggo
sa hanging dumadampi sa damdaming
usok ang kawangis
na hinihigop ng buwan...
sabihin pang may dulo
ang walang hanggan
nawa'y hayaang tumibok
ang pag-asang naroon
ka at matitisuran mo ako
sa pagliko ng kailanpaman.
1996
paulhroquia

4.4.08

isinuko kita sa langit!

isinuko kita sa langit,
sa kandungang
banal inalay
ang latak
ng lunggating
balot sa
pagkukunwari
at hinamon ng
nalagas na panahon...
malutong ko pa ring
nauulinigan ang
halakhakang
natuyo sa balong
tinunaw ng
sagarang pagsimbuyo
ng isinumpang mga puso
sa mundong sakbibi sa
tuksong
labis-labis
sobra-sobra
bagama't hungkag
sa katuturan!
pumanaw na at inilagak
sa ulilang burol
ang awit na humugis
sa saliw ng iyong
kindat at mapanuksong
paglalambing...
kung saan man dumapo ang mga
pangakong inukit sa bawa't
punong naglaho sa kaparangan
ay di ko na itatanong ;
sapat nang sa dakong kahapon
ay dumaan ka ,
kinulayan at nahabag
sa aking pag-iisa,
isusuko ko na rin ang mga pangarap
na malanghap ay katuparan
ng matayog mong pagnanasang
makaharap sa pintuang
nakalaan sa tangan mong
susi at
ang pagharinawang sabay nating
tuklasin ang
mabubungarang hiwaga upang
ang dalamhati'y lumisan at
sa mga puso'y
magiging luklukan.
sumpa man.
1995
paulhroquia